Hindi pa naghihilom ang sugat ng puso ko
Dear Dr. Love,
Ang pagpapala ng Poong Maykapal at isang saganang pangungumusta ang pahatid ng liham kong ito sa inyo at sa lahat ninyong mga kasamahan sa inyong pahayagan.
Ako po ay kabilang sa masusugid na tagasubaybay ng inyong pitak na Dr. Love. Noong una ay atubili ako kung susulat nga ako sa inyo para ibahagi ang aking masaklap na karanasan sa pag-ibig.
Parang hindi ko pa kayang ibahagi sa marami ninyong mambabasa ang aking kahapon dahil hindi pa naghihilom ang sugat sa puso ko bagaman may katagalan na rin ang pagkakakulong ko.
Pero naglakas-loob akong sumulat sa hangaring mabigyan ninyo ng payo ang aking problema.
Ako po ay nakapatay ng tao dahil hindi ko na nakayanan pa ang pagyurak sa aking karangalan ng aking asawa at ng kanyang kalaguyo.
Pareho pa naman kaming propesyunal at mayroon kaming mga anak.
Subali’t kung noong una ay napipigil ko pa ang sarili na ilagay sa aking mga kamay ang batas, noong mismong sa amin ng tahanan ko nasaksihan ang pagtataksil ng aking asawa at ng kanyang kalaguyo, hindi ko na napalampas ang pagkakataong yaon.
Napatay ko ang lalaki at nahatulan ako ng pagkabilanggo ng mula 17 taon hanggang 21 taon.
Hindi ko na nabalitaan pa kung ano na ang nangyari sa aking asawa at mga anak. May nagsabi sa akin na nangibang-bansa na siya.
Alam kong magagawa niya ito dahil isa siyang nurse at may kaya ang kanyang mga magulang.
Hindi ko po pinagsisihan ang ginawa ko. Kung hindi ko nagawa yaon, wala na akong respeto sa sarili ko at ang pakiramdam ko, mismong ipinakita nila sa akin ang kanilang pagtatampisaw sa bawal na pag-ibig dahil nais nilang matuklasan ko ang kanilang relasyon.
Sa ngayon, ayaw ko pang buksan ang puso ko sa panibagong tawag ng pag-ibig. Unang-una, mayroon bang babaeng magkakagusto sa akin sa nangyari?
Pangalawa, sa kabila ng ginawa ng aking asawa, mayroon pa ring puwang sa puso ko ang kanyang alaala.
Salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa liham kong ito at more power to you.
Truly yours,
Bernard Cortezano
Bldg. 2 Dorm 237,
MSC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Bernard,
Salamat sa liham mo at ang dalangin ng pitak na ito, malimutan mo na sana ang kataksilan ng iyong asawa.
Mahal na mahal mo talaga ang misis mo at nagawa mo ang pumatay dahil sa ang damdam mo, aping-api ka sa pangyayari.
Mapapalaya mo lang ang sarili sa mapapait na karanasan mo sa buhay kung magagawa mong patawarin na ang iyong dating maybahay.
Maaaring mayroon na rin siyang bagong daigdig na ginagalawan sa ibang bansa at maaaring kasama niya ang inyong mga anak.
Hindi naman makatarungan para sa iyo na sikilin mo ang sariling damdamin kung mayroong ibang nagkakagusto sa iyo sa kabila ng pangyayari sa buhay mo.
Pagsisihan mo ang pagkakalabag sa kautusan ng Panginoon na nagbabawal sa pagpatay sa isang tao na isa ring kasalanan sa umiiral na batas.
Nasira ang buhay mo dahil sa kabiglaanan at kawalan ka ng kontrol sa sulak ng galit pero kung pagbabalikan mo sa gunita ang pangyayari, ang pangingibabaw sana ng katinuan ng pag-iisip ay mas higit na mabuti kung nagawa mo kaysa nakapatay ka ng isang tao na siyang naging daan sa pagkakakulong mo.
Nangyari na ang hindi dapat na mangyari. Alam kong pinagsisihan mo na rin ito kaya sa pakiramdam mo, nangungulila ka pa rin sa dati mong maybahay lalo na sa iyong mga anak.
Pagbutihin mo ang rehabilitasyon diyan sa loob at sana, maaga kang makalaya.
Dr. Love
- Latest
- Trending