Naglahong pangarap
Dear Dr. Love,
Marami na po akong nabasang mga kuwento ng buhay na inilathala sa inyong column. Kaya naman nagkaroon ako ng inspirasyon na lumiham din at ibahagi ang malungkot kong karanasan sa buhay, kung bakit ako nakulong at nawalan na ng pag-asa sa buhay dahil sa naglaho kong mga pangarap.
Simpleng pamilya lang ang nakagisnan ko. Simpleng mga magulang pero malapit ang aming loob sa isa’t isa. Sama-sama sa hirap at ginhawa at busog sa pagmamahal.
Pero ang katahimikan ng aming buhay at pamilya ay nalambungan ng lungkot nang dumating ang isang matinding trahedya na naging sanhi ng ganap kong pagkaulila.
Minsang nagkaroon ng matinding bakbakan sa aming ugar, dumanak ang dugo at kabilang sa mga nasawi sa ligaw na bala ang aking mga mahal sa buhay. Ang magkabilang panig ay patuloy na nagpapalitan ng nakabibingi at nakababaliw na putukan.
Bata pa lang ako noon pero natatandaan kong nakapanginginig ng laman ang naranasan kong labanan na kung binabalikan ko sa aking isipan ay nakapagpapakirot ng aking damdamin.
Pinilit ko pa ring mabuhay sa kabila ng pagkaulila. Nagtinda ako ng bote at diyaryo at gayundin ng sampaguita para may ikabuhay.
Hanggang sa ako’y maging isang working student ng mga madre. Dito ko nakilala ang babaeng minahal ko. Kapwa kami working student. Nagtatrabaho sa araw at nag-aaral sa gabi.
Bawal na bawal sa mga madre ang dalawang workers nila na nagliligawan. Nang umabot sa kanilang kaalaman ang relasyon namin ni Jane, magkasunod kaming pinaalis.
Hanggang sa napagpasyahan naming dalawa na magsama na lang bilang mag-asawa. Hindi naman tumutol ang mga magulang ni Jane.
Kapwa kami muling nangarap. Idinalangin namin na sana ay pagpalain ang aming pagsasama. Nguni’t sadya yatang mailap sa akin ang kaligayahan.
Minsang umuwi ako galing sa trabaho, dinatnan ko si Jane na walang saplot sa katawan, naliligo sa sariling dugo at wala nang buhay. Ang masakit pa nito, walang awang ginahasa muna ang aking asawa at saka pinatay kasama na ang walang malay na sanggol na dinadala niya sa kanyang sinapupunan.
Halos madurog ang puso ko sa trahedyang ito. Pabalik-balik na ako sa himpilan ng pulisya para i-follow up ang kaso ng pagkamatay ng aking asawa at hindi pa naisisilang ana anak. Walang nangyari. Hirap na hirap na ang loob ko pero ang mga salarin ay malaya pang nakagagala sa komunidad.
Dito ako nakaisip na ipaghiganti ang sinapit ng aking asawa at anak. Napatay ko ang apat na siyang itinuturong may kagagawan ng krimen.
Kaya, heto ako, nakabilanggo sa piitan dahil sa paglalagay ko ng batas sa aking mga kamay. Hindi ko alam kung paano ko malalampasan ang ganitong klaseng hamon ng buhay. Sana ay magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat.
Gumagalang,
Angelito Beñas
Maximum Compound DPPF,
Dapecol, Davao del Norte 8105
Dear Angelito,
Sadyang malungkot ang sinapit mong buhay. Pero magkagayunman, hindi pa rin tama na ilagay mo sa iyong mga kamay ang batas para maipaghiganti ang buhay ng asawa at anak. Dahil sa sistema ng ating hustisya, marami ang nakakaisip na maghiganti na lang para mabigyang katarungan ang pagkaapi.
Naganap na ang trahedya sa buhay mo at pinananagutan mo sa batas ang pagkakasala mo. Ang maipapayo ko na lang sa iyo, dagdagan mo pa ang panalangin na sana, malampasan mong lahat ang mga dumarating na unos sa buhay.
Sikapin mong magpakabait para makabilang ka sa mga mapagkakalooban ng parole kundi man kapatawaran sa nagawa mong kasalanan. Ang dalawang trahedyang naganap sa buhay mo ay hindi madaling malimutan dahil nakatimo na iyan sa puso at isipan.
Pero magagawa mong mapayapa ang iyong damdamin kung sisikapin mo lang at hindi mawawalan ng tiwala sa kabutihan ng Panginoon.
Hangad namin na sana’y marami kang maging kaibigan sa panulat para malimutan mo ang malalim na sugat na nalikha ng pagyao ng mga mahal mo sa buhay.
Dr. Love
- Latest
- Trending