Adultery

Dear Dr. Love,

Isang mainit na pagbati ang ipinaaabot ko sa iyo at sa lahat ng masugid mong mga tagasubaybay.

Ako po si Brenda, 29- anyos at hiwalay sa asawa. May nanligaw sa akin at sinagot ko naman at ngayon ay nagsasama kami sa iisang bubong.

Mabait ang kinakasama ko ngayon pero hindi kami puwedeng magpakasal dahil balido ang kasal ko sa aking unang asawa na siyang naunang humiwalay sa akin. Ngayon ay kinakaharap ko ang pinakamabigat na problema sa aking buhay.

Dalawang taon na kaming hiwalay ng asawa ko. Pero nagulat na lang ako nang tumanggap ako ng subpoena. Idinemanda ako ng mister ko nang adultery.

Sa susunod na buwan ay haharap ako sa piskalya at hindi ko malaman kung ano ang gagawin ko.

May karapatan ba siyang magdemanda?

Brenda

Dear Brenda,

Kung sa karapatan, palagay ko’y mayroon dahil hindi annulled ang inyong kasal.

Hindi mo nasabi kung may iba nang kinakasama ang asawa mo. Kung mayroon, puwede rin siyang ihabla ng concubinage.

Hindi ko malaman ang detalye ng problema mo pero ang maipapayo ko ay kumonsulta ka sa abogado. Kung hindi mo kayang magbayad, magpunta ka sa City Hall at sumangguni sa Public Attorney’s Office na puwedeng magbigay ng libreng abogado na hahawak sa kaso mo.

Karaniwan kapag naisampa ang kaso sa korte at walang abogado ang isinasakdal, ang korte ang nagtatalaga ng abogadong magtatanggol sa kanya.

Dr. Love

Show comments