Marriage for convenience
Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Minda, 35-anyos, isang biyuda na may dalawang anak.
Kamamatay lang ng asawa ko noong Setyembre ng nakaraang taon. Siya lang ang aking sinasandalan. Isa siyang maliit na negosyante. At sa kinikita niya ay hindi kami sumasala sa oras. Pero wala kaming naipon.
Ako naman ay isang plain housewife na walang ginawa kundi mag-alaga ng mga bata at mag-intindi ng aming tahanan.
Kaya nang mawala ang asawa ko ay para akong nalumpo. Nakakuha ako ng P300,000 sa kanyang life insurance pero gaano na lang ang halagang iyon? Nagtayo ako ng maliit na tindahan sa amin at pinagkakasya ko na lang ang kaunting kinikita nito.
May nanliligaw sa akin ngayon. Biyudo rin at may kaya. Kaso iilang buwan pa lang akong nabibiyuda at ayaw kong may masabi ang mga tao sa akin. Ayaw ko ring may masabi sa akin ang aking mga in-laws.
Hindi ko siya mahal pero nagiging praktikal lang ako. Nangako siya na ituturing niyang anak niya ang aking mga anak sa yumao kong asawa. Dapat ko bang intindihin ang masasabi ng iba?
Minda
Dear Minda,
Buhay mo iyan at ikaw lamang ang makakapagdesisyon para sa sarili mong kabutihan.
Pero sa ganang akin, hindi ako pabor sa pagpapakasal only for convenience. Sa relasyon, laging kasama ang pag-ibig. Without love, a marriage is bound to fail.
Sabagay, may mga nagsimula nang walang pag-ibig pero nadi-develop kalaunan. Pero papaano kung magsisi ka balang araw? Parang sugal iyan.
Kung muling pag-aasawa ang pag-uusapan, may karapatan kang gawin ito pero tama ang sinabi mo. Maaatim mo ba ang sasabihin ng iba? Bago ka sumuong sa ano mang desisyon sa bagay na iyan, mag-isip ka munang mabuti.
Dr. Love
- Latest
- Trending