Dear Dr. Love,
Isang mainit na pagbati ang ipinaaabot ko sa iyo at sa mga masusugid mong tagasubaybay. Umaasa ako na nasa mabuti kang kalagayan sa pagtanggap mo ng aba kong liham.
Tawagin mo na lang akong Cely, 36-anyos at may asawa’t tatlong anak. Ganito po ang problemang bumabagabag sa akin ngayon. Mabait ang aking mister at responsible. Maagang umuwi ng bahay at ang suweldo’y buung-buong iniintrega sa akin. Ngunit sa totoo lang, pinipilit ko siyang ibigin. Hangga ngayo’y wala pa akong madamang tunay na pag-ibig sa puso ko para sa kanya.
Nakilala ko ang aking asawa noong taong 2000. Matapos ang tatlong buwang ligawan ay sinagot ko siya at kami’y nagpakasal. Mabilis ang pangyayari. Kasi may sugat ang puso ko noon. Iniwanan ako ng boyfriend ko at nag-asawa sa iba. Hindi ko matiyak kung mahal ko ang lalaking pakakasalan ko noon.
May limang buwan din kaming nagkarelasyon ng aking dating kasintahang nagsalawahan. Buong akala ko ay siya na ang makakatuluyan ko. Pero napikot daw siya.
Di-naglaon ay nakilala ko ang aking mister ngayon. Nanligaw siya sa akin at dahil malungkot ako nang mga panahong yaon, sinagot ko siya.
Nagkatuluyan nga kami pero heto ang problema ko ngayon. Binabalikan ako ng aking ex-boyfriend. Nagsisisi na raw siya dahil ang asawa niya’y biglang nagpunta sa Amerika at nag-asawa doon.
Nalilito ako Dr. Love dahil siya ang lalaking totoo kong mahal. Ano ang gagawin ko?
Cely
Dear Cely,
Alam mo, hindi ako naniniwala sa pikot. Katuwiran lang iyan o alibi ng mga lalaking taksil tulad ng naging boyfriend mo.
Huwag mo nang bayaang dayain ka uli ng iyong puso. Alalahanin mo na naging tapat sa iyo ang iyong asawa at buo ang inyong pamilya.
Be fair to your husband. Ikaw na rin ang nagsabing mabait siya at responsible. Bihira ang mga lalaking ganyan kaya pakamahalin mo siya na tulad ng isang pambihirang hiyas.
Alang-alang man lang sa inyong mga anak ay ipreserba mo ang inyong relasyon.
Dr. Love