Ipinagkanulo ng kanyang amo
Dear Dr. Love,
Masaganang pangungumusta po sa inyo at sa lahat ng mga kasamahan ninyo sa inyong popular na pahayagan.
Ngayon pa lang ay bumabati na ako sa inyo ng Maligayang Pasko at Masaganang Bagong Taon.
Ako po si Henry Casepi, taga-Makato, Aklan, 30-anyos, walang asawa. Dahil sa hirap ng buhay, nagpasya akong umalis sa aming lalawigan para lumuwas ng Maynila para maghanap ng trabaho.
Pinalad naman akong makatagpo ng trabaho na noon, ang akala ko ay siya nang simula ng pag-abot ko sa aking mga pangarap sa buhay. Napasok ako bilang tagapag-alaga ng manukan sa isang malaking farm.
Naging maayos naman ang aking trabaho at suweldo. Isang gabi, habang nagmamanman ako sa aking mga alagang manok, mayroon akong nakitang tao na aali-aligid sa farm.
Bigla na lang akong nagulantang dahil sa putok at sa pagkakadinig ko sa parang taong natumba. Ilang saglit lang at nakita ko ang aking boss na may hawak na baril.
Isang umaga, pagkaraan ng insidente, nagkaroon ng imbestigasyon sa farm at bigla na lang akong dinampot ng mga pulis at ikinulong.
Ako pala ang idiniin ng mga magulang ng nasawi na siyang may kagagawan ng pamamaril sa isang lalaki at pagkamatay nito sa loob ng farm.
Kaya’t heto ako, nakulong sa hindi ko kasalanan at walang karamay sa pagdurusa sa piitan.
Sana po, kapulutan ito ng aral ng inyong mga mambabasa na sana ay maging maingat sa pagpasok sa trabaho at baka matulad sila sa akin na ipinagkanulo ng amo na siyang may kagagawan ng pagpatay sa taong nagtangka nang hindi mabuti sa manukang inaalagaan.
Dalangin ko sa Panginoon na lumawig pa ang kolum ninyong ito para magpatuloy ang mahusay ninyong serbisyo sa mga nangangailangan ng inyong payo at tulong.
Gumagalang,
Henry Casepi
Dorm 116, MSC,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Henry,
Sinamantala ng iyong amo ang kawalang muwang mo sa batas at iyong mga karapatan para ikaw ang mapagbintangang pumatay sa taong nagtangkang magnakaw sa kanyang farm na inaalagaan mo.
Pero ang kawalan ng muwang sa batas ay hindi isang dahilan para makaligtas ang isang tao sa bintang at parusa ng batas.
Dahil ikaw ang nag-aalaga sa farm, natural ikaw ang konbinyenteng madidiin sa kaso para mailigtas niya ang sarili niya sa pag-uusig ng batas.
Kung talagang wala kang pagkakasala, dapat ay inilaban mo ang sarili mo o idinepensa mo ang sarili sa bintang sa iyo.
Mayroong mga libreng abogado na puwede mong nilapitan sa iyong kaso.
Salamat sa iyong liham at sa uulitin, dapat mong ipakipaglaban ang iyong karapatan.
Dr. Love
- Latest
- Trending














