Tunay na kaligayahan
Dear Dr. Love,
Una po sa lahat, isang masaganang pagbati sa inyo at sa lahat ng bumubuo ng inyong malaganap na pahayagan. Ang dalangin ko po sana’y lumawig pa ang pitak ninyong ito para mas marami pa kayong matulungang tulad ko na may problema sa buhay.
Ang tawag po dito sa akin sa bilangguan ay “Joaquin Bordado Gidang” dahil tadtad ang buong katawan ko ng tattoo. Nakakalimang taon na akong nakakulong dahil sa hindi sinasadyang pagkakapatay ko sa isang lalaking nagtangkang pagsamantalahan ang aking kaibigan.
Ang lalaking ito ay dayo sa aming lugar. Mabait siya pero kapag napapangibabawan ng epekto ng alak, nagbabago ang kanyang ugali.
Mayroon siyang kaya sa buhay at ito marahil ang dahilan kung bakit sa halip na mapawalang-sala ako dahil sa pagtatanggol ko sa aking kaibigan ay homicide ang naging kaso ko.
Sa lugar namin naganap ang krimen. Nadatnan ko kasi sa aming lugar ang biktima habang hila niya ang aking kaibigan.
Sa tindi ng pagkabigla ko at sa malaking galit sa ginawa niya sa aking kaibigan, kumuha ako ng dos por dos at bigla ko siyang hinataw sa ulo. Sumuko ako sa mga alagad ng batas at heto ako ngayon, nakabilanggo sa hindi ko sinasadyang pagkakasala.
Ginawa namin ang lahat para mapababa ang hatol sa akin sa nagawa kong kasalanan. Pero bigo kami dahil sa kawalan ng salaping magagastos sa apela.
Taong 2006 nang gawaran ako ng sentensiya sa edad na 28-anyos. Ngayon ay 30 taong-gulang na ako.
Hindi po ako nagsisisi sa ginawa kong pagtatanggol sa aking kaibigan laban sa taong bagaman kung titingnan ay mabait pero nawawala ang katinuan sa espiritu ng alak.
Malungkot po ako dito sa kalungan at ni hindi ko alam kung ano ang tunay na kaligayan.
Kaya sa pamamagitan ng pitak na ito, nais kong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat na makakaunawa sa aking kalagayan.
Salamat po sa inyo at more power to you.
Gumagalang,
Ronald M. Polintan
Student Dorm-1-A,
YRC Bldg., Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Ronald,
Maamo ang kaligayahan sa taong marunong magpahalaga at nakakadama ng tunay na kaligayahan kahit sa mga mumunting bagay na naisasakatuparan niya.
Kung masyadong mataas ang pamantayan mo sa hanap na kaligayahan, magiging mailap sa iyo ang hanap mong kaligayahan.
Ano ba ang makapagpapaligaya sa iyo? Materyal bang bagay o mga bagay na makapaghahatid sa iyo ng tuwa dahil natamo mo ang minimithi mong pangarap?
Hindi mo lang alam marahil, may natamo ka nang mumunting tuwa at “self satisfaction” sa natupad mo nang mithi sa buhay.
Kaya sa palagay ko, nasa taong marunong magpahalaga sa mga bagay na natamo na niya kaya magaan niyang naaabot ang tunay na kaligayahan na minimithi niya.
Usisain mo ang sarili mo kung ano nga ang makapagpapaligaya sa iyo at ito ang targetin mo. Sa sandaling may nakuha ka nang kasiyahan sa pagkaabot ng mithing ito, iyan ang kaligayahan kahit pa wala ang ligayang dulot ng salapi at kapangyarihan.
Ang magkaroon ka ng isang tapat na kaibigan na karamay mo sa lahat na oras ay isang uri na ng kaligayahan na hindi mapapantayan ng salapi.
Kaya marahil hindi ka nagdalawang-isip sa pagtatanggol sa kaibigan mo dahil mahal mo siya at handa mong pagbuwisan ng sariling buhay para lang mailigtas siya sa panganib.
Wika mo, hindi mo pinagsisihan ang pagtatanggol sa kanya. Kahit ka na nga makulong. Wala ka bang nadamang kaligayahan sa pagtatanggol sa kanya at pagkakaligtas niya sa panganib? Isipin mo ito at hindi ka na maghahangad ng ibang kaligayahan sa buhay.
Kaisa mo ako sa panalangin na magkaroon ka ng mga kaibigan sa panulat.
Dr. Love
- Latest
- Trending