Bawal na gamot
Dear Dr. Love,
Good day po sa inyo at sa lahat po ng staff ng PSN.
Ako po pala ay si Ernesto de Vera Jr., 34 taong-gulang, binata at nakakulong sa Bulacan Provincial Jail. Dr. Love, biktima po ako ng ipinagbabawal na gamot (shabu) kaya naririto ako ngayon sa kulungan.
Tatlong taon at tatlong buwan na po akong nakakulong dito. Sa tinagal-tagal po ng pagkakakulong ko ay labis-labis na kalungkutan ang aking dinaranas. Lubhang naiinip na rin po ako sa pagkakakulong ko at wala akong malamang gawin para malunasan ang lungkot at pagkainip sa mabagal na pagdaraan ng mga araw.
Ako po naman ay hindi masamang tao. Nakulong po ako dala ng barkada.
Ako po ay halos araw-araw na nagbabasa ng inyong kolumn. Sana po sa pamamagitan ninyo ay matulungan ninyo akong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat at taong magmamahal sa akin.
Sa pamamagitan po ng pitak na ito, nais kong magkaroon ng mga kaibigan na makakaunawa sa aking kalagayan.
Hanggang dito na lang po at umaasa akong tutugunin ninyo ang liham kong ito para mapayuhan.
Gumagalang,
Ernesto de Vera Jr.
St. Matthew House,
Lex Building, Bulacan Provincial Jail
Malolos City, Bulacan 3000
Dear Ernesto,
Isang masaganang pangungumusta sa iyo at mga kasamahan mo diyan sa provincial jail.
Sana matanggap mo ang kasagutan sa liham mo na nasa mabuti kang disposisyon para mapagkuro mo na kung naririyan ka sa loob ng piitan, ito ay kagagawan mo rin sa impluwensiya ng barkada.
Gaya nga ng sinabi mo, hindi ka naman masamang tao kaya nga lang, nakubabawan ka ng masamang mga kaibigan.
Alam mo, kung minsan, ang isang tao gaano man kabait, kapag nasa piling ng mga barkada, lumalakas ang loob na gumawa ng masama dahil marami sila.
At malimit sa hindi, ang isang taong nasa impluwensiya ng droga ay malakas ang loob, parang walang kamatayan. Parang nakalutang sa hangin at alapaap.
Sikapin mong mawala sa sistema mo ang droga at ipako sa mas kapakipakinabang na aktibidad ang panahon mo diyan sa loob ng kulungan.
Sana matutuhan mo ring matanggap ang kahinaan mo para magkaroon ka ng matatag na kalooban na harapin ang mga konsekuwensiya ng paggamit mo ng bawal na gamot.
All the best to you at sana, makatagpo ka ng kaibigang mauunawaan ka at ang mga hinanakit mo sa buhay.
Dr. Love
- Latest
- Trending