Dapat bang maglihim?
Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Hermi–a, 24-anyos at limang buwan nang kasal sa aking asawa. Sa ngayoy dalawang buwan na akong buntis.
Sa unang gabi ng aming pagsisiping, napansin agad ng mister ko na hindi na ako virgin. Hindi man niya agad sinabi nang diretsahan, alam kong nagkaroon siya ng pagdududa.
Naglihim kasi ako sa kanya noong una pa man nang kamiy magkasintahan pa lang. Perfect gentleman siya. Ni hindi niya ako ginalaw sa loob ng aming isang taong pagiging magkasintahan. Talagang ini-reserve niya ito sa araw na kamiy kasal na. Medyo nagi-guilty nga ako ngayon.
Nagkaroon ako ng unang kasintahan na nakakuha ng aking pagkadalaga. Pero iyon ay tiklop nang kabanata sa aking buhay.
Naging matamlay siya at isang araw, kinausap niya ako. Sabi niya, mauunawaan naman daw niya kung mayroon na akong karanasan sa ibang lalaki. Pero nagkaila ako sa kanya.
Ang sabi koy isa akong athlete noong nag-aaral pa ako kaya marahil nawala ang virginity ko. Hangga ngayoy matamlay siya pero hindi nawawala ang pagiging mapagmahal niya sa akin.
Dapat ko bang panatilihin ang paglilihim ko sa kanya?
Herminia
Dear Herminia,
Ang pagsasabi nang tapat ay pagsasama ng maluwat. Isang matandang kasabihan iyan na angkop pa rin kahit sa modernong panahon.
Tutal tiniyak niya sa iyo na mauunawaan ka niya kahit pa may karanasan ka na sa ibang lalaki, magsabi ka na nang totoo sa kanya para mapanatag ang kanyang kalooban.
Hindi magandang habambuhay ay nabubuhay ka sa pagkukunwari. Makakaapekto iyan sa inyong relasyon at baka mistulang bulkan na sasabog pagdating ng araw.
Dr. Love
- Latest
- Trending