Pinagtataksilan kaya niya ako?
Dear Dr. Love,
Nasa abroad pa ako ay nababasa ko na ang kolum mo sa pamamagitan ng internet.
Tawagin mo na lang akong Tony, isang OFW na nagtatrabaho sa Dubai, 40-anyos at may asawang naiwan sa Pilipinas. Wala kaming anak dahil mas madalas akong nasa ibang bansa kaysa Pilipinas dahil hangad ko’y magandang kinabukasan sa bubuuin kong pamilya.
Sa kasalukuyan ay nasa Pilipinas ako. Biglaan ang aking pag-uwi dahil sa masaklap na balita mula sa aking mga kaanak na may ibang lalaki ang aking asawa.
Nang magkita kami ng aking asawa sa aming tahanan, kinompronta ko siya at ito’y pinabulaanan niya. Siya pa ang nagalit sa akin dahil mas may tiwala raw ako sa aking mga magulang kaysa sa kanya.
Dahil dito ay naglayas siya at hindi ko alam kung nasaan siya ngayon. Wala siya sa kanyang mga magulang o kamag-anak sa probinsya. Hindi naman marahas ang pagtatanong ko sa kanya dahil gusto kong marinig ang kanyang panig. Pero siya ang uminit ang ulo at naglayas.
Ano ang gagawin ko? Paano ko malalaman ang katotohanan? Tulungan mo ako, Dr. Love.
Tony
Dear Tony,
Mahirap maghusga. Posibleng sinisiraan lang ng mga kaanak mo ang iyong asawa dahil marami nang kasong ganyan ang nangyari. Ngunit may posibilidad din na totoo ang sumbong sa iyo. Natural lang na magmalasakit sa iyo ang iyong mga kaanak lalo pa’t pinagtataksilan ka ng iyong asawa. Pero dapat mo muna itong patunayan bago gumawa ng anumang marahas na hakbang.
Gumawa ka ng sariling pagsisiyasat at nang malaman mo ang buong katotohanan. Iyan ang hirap sa nag-aabroad ang isa sa mag-asawa. Ang salaping kikitain mo ay hindi makatutumbas sa tatag ng pamilyang maibibigay ng pagsasama sa iisang bubong.
Dr. Love
- Latest
- Trending