Itinakwil ng mga magulang
Dear Dr. Love,
Ang edad ko’y 40-anyos na at kasalukuyang nag-aaral sa kolehiyo sa kursong Accounting.
Tawagin mo na lang akong Lorenzo. Siguro magtataka ka kung bakit gurang na ako’y nag-aaral pa. Kasi, noong nasa 2nd year college ako, hindi ako nakapagtapos sa kursong ito dahil nagtanan ako at nag-asawa.
Sa galit ng aking mga magulang, itinakwil nila ako at ang aking asawa kaya napilitan akong magtrabaho bilang karaniwang clerk.
May talent sa pagnenegosyo ang aking asawa at nagtayo kami ng maliit na tindahan sa kanilang bahay. Nag-iisa siyang anak at welcome kami na tumira sa kanilang bahay ng kanyang mga magulang.
Unti-unting bumuti ang aming kabuhayan kaya umupa kami ng apartment hanggang sa makapagtayo ng low-cost house sa isang second class subdivision.
Nang ako’y 35 anyos na, hinimok ako ng misis ko na magtapos ng pag-aaral. Hindi ako makapag-full load dahil nagtatrabaho rin ako. Kaya malamang, kung loloobin ng Diyos ay makatapos na ako sa darating na school year.
Ang problema ko, hangga ngayo’y hindi pa rin kami pinatatawad ng mga magulang ko. Ilang pagtatangka na ang ginawa naming mag-asawa na lumapit at humingi ng tawad pero walang nangyari. May dalawa na kaming anak ngayon pero mataas yata ang pride ng Ama at Ina ko.
Ang ganitong situwasyon ay nagpapabigat ng aking konsensiya. Nangumpisal na ako sa pari at ang payo niya’y magtiyaga pa rin ako na suyuin ang mga magulang ko.
Ano ang dapat kong gawin para gumaan ang loob ko at magkaroon ng peace of mind?
Lorenzo
Dear Lorenzo,
Nagawa mo na ang dapat mong gawin. Kung ayaw ka pa ring patawarin ay problema nila iyon at hindi sa iyo.
Kung tutuusin, napatunayan mo na hindi naging bigo ang iyong pag-aasawa kaya walang dapat ikabigat ang iyong konsensya.
Huwag kang susuko. Paminsan-minsan ay tangkain mong dumalaw sa mga magulang mo. Padalhan mo sila ng regalo. Hindi mahalaga kung tatanggapin o hindi ang iyong peace offering. Kung ibabalik, kunin mo.
Ang mahalaga, ipinakikita mong sa kabila nang lahat ay pinapahalagahan mo pa rin sila bilang mga magulang.
Dr. Love
- Latest
- Trending