Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Pocholo, 20-anyos at may asawa. Galit na galit ang aking mga magulang, lalo na ang aking ina nang magtanan kami ng kasintahan kong si Maloy.
Hindi ko kasi natapos ang pag-aaral ko. Gusto ng ina ko na ako’y maging Civil Engineer pero nasa third year pa lang ako ay nahinto na ako sa pag-aaral dahil nga nagtanan kami ni Maloy.
Anim na buwan na kaming nagsasama ni Maloy at wala akong pirmihang trabaho. Paekstra-ekstra lang. Nang minsang tinangka naming umuwi sa amin upang magbigay-galang sa aking mga magulang, tahasang sinabi ng Nanay ko na itinatakwil niya ako at hindi mapapatawad.
Medyo malambot ang puso ng aking ama. Sinikreto niya ako at pinapunta sa kanyang opisina para bigyan ng permanenteng trabaho.
Nahihirapan na kami ni Maloy. Sa ngayo’y nakatira kami sa kanyang mga magulang. Mabait naman sila pero nahihiya ako. Gusto kong bumukod kami pero baka hindi ko makaya na mangupahan, magbayad ng tubig, kuryente at pagkain namin sa araw-araw.
Tuluy-tuloy naman ang pag-aaral ni Maloy. Kumukuha siya ng Elementary Education at tinutustusan ng kanyang mga magulang. Naiinggit nga ako sa kanya.
Ano ang dapat kong gawin para mapatawad ng aking ina?
Pocholo
Dear Pocholo,
Pinasok mo iyan kaya harapin mo ang mabigat na consequence ng iyong ginawa. Hindi kita sisisihin dahil naririyan na iyan.
Magsumikap ka na lang sa trabahong ibinigay sa iyo ng iyong ama. At the same time, huwag kang susuko sa paghingi ng tawad sa iyong ina. Malay mo, baka kapag nagkaanak na kayo ni Maloy ay mapatawad ka niya. Alam mo, malaking bagay para sa isang magulang ang magkaroon ng apo.
Sana’y magsilbing aral sa ibang kabataang gaya mo ang iyong kasaysayan.
Dr. Love