Dear Dr. Love,
Bumabati ako sa iyo at sa lahat ng mga tagahanga ng iyong tanyag na kolum. Tawagin mo na lang akong Alita, 19-anyos at may ka-live-in. Limang buwan na kaming nagsasama ni Martin. Isa lamang siyang pedicab driver.
Nagalit ang mga magulang ko nang makipagtanan ako sa kanya. May kaya ang pamilya ko at pinapag-aral ako ng Nursing. Nang magtanan ako, isinumpa ako ng mga magulang ko kaya natigil ang aking pag-aaral.
Isang araw, tinawagan ako sa cellphone ng Nanay ko. Sabi niya patatawarin lang daw niya ako kung iiwanan ko si Martin.
Nagdadalawang-isip ako ngayon. Parang gusto kong matupad ang ambisyon kong maging nurse. Sabi ko sa nanay ko, buntis na ako. Hindi bale, sabi niya. Tutulungan daw ako na magpalaki sa bata basta’t iwanan ko si Martin.
Sa totoo lang, pinagsisisihan ko ang aking ginawa. Gusto ko nang magbalik sa amin at ipagpatuloy ang magandang buhay, lalo na ang pag-aral ko. Pero paano ko ito sasabihin kay Martin? Alam kong love na love niya ako.
Pagpayuhan mo ako, Dr. Love.
Alita
Dear Alita,
Kung talagang nagsisisi ka sa ginawa mo, bumalik ka sa iyong magulang. Hindi naman kayo kasal ni Martin at wala kayong legal na responsibilidad sa isa’t isa. Tapatin mo si Martin hangga’t maaga. Maaaring masaktan siya pero talagang ganyan.
Kung sanang mas mahalaga siya sa iyo kaysa buhay na masagana, pagpapayuhan kitang ipaglaban ang pag-ibig mo. But in your case, nakikita kong mas matimbang sa iyo ang dati mong buhay na sunod ang layaw at nakapag-aaral pa. Therefore, follow your heart dahil kinabukasan mo ang nakataya diyan.
Ang ginawa ninyong pagtatanan ay bunga lang ng kapusukan. Sana, ito’y magsilbing aral sa ibang kabataan na nag-aakalang ang nararamdaman nilang excitement sa piling ng kanilang mga so-called “minamahal” ay walang katapusan.
Sa kaso mo, wala pang isang taon eh, wala nang kuwenta sa iyo si Martin matapos mong marinig ang kondisyon ng iyong ina na tatanggapin kang muli kung iiwanan mo ang iyong ka-live-in.
Ngayo’y napagtanto mo na hindi mo naman pala siya mahal dahil mas matimbang sa iyo ang dati mong buhay na maginhawa.
Dr. Love