Sa pagkabigo sa pag-ibig

Dear Dr. Love,

Isa pong masaganang pangungumusta sa inyo at sa lahat ninyong kasamahan sa PSN.

Nais ko pong ibahagi sa malaganap nin­yong column ang masaklap na karana­san ko sa pag-ibig na siyang naging daan sa aking pagkabilanggo dahil sa isang krimeng nagawa ko  sa labis na kalanguan.

Babae po ang dahilan kung bakit ako na­lu­­long sa alak at sugal at nakapatay ng tao kaya nakapiit ngayon sa pambansang bi­langguan.

Kawalan ng pag-asa sa buhay dahil sa aking sinapit ang nag-udyok sa akin para malihis sa matinong pamumuhay. Nagsi­mula ito nang ilayo sa akin  ng kanyang mga magulang si Aslie, ang babaeng minahal ko nang labis.

Mahal na mahal ko si Aslie. Kasama ko siya sa aking pagpaplano sa pagkakaroon ng disente at masayang pamilya. Pero ang lahat ng kaligayahan sa buhay ay naglaho nang mamagitan sa aming pag-iibigan ang kanyang mga magulang.

Tuluyan na kaming nawalan ng komuni­kasyon ni Aslie. Kung saan siya dinala, hindi ko alam.

Sa labis kong pamimighati, alak at sugal ang aking naharap para malimutan ko si Aslie. Hindi ko alam kung ano na ang aking ginagawa noon. Hanggang sa nang maalim­pungatan ako, nakakulong na ako at napa­palibutan ng mga rehas na bakal.

Sa ngayon ay nagsisisi na ako sa aking mga ginawang pagkakaligaw ng landas. Pero magsisi man ako ngayon, wala na akong magagawa. Naging mahina kasi ako noon.

Sa kasalukuyan, nag-aaral po ako dito sa loob sa ilalim ng alternative learning system, isang paaralan dito sa kulungan.

Minabuti   kong mag-aral para madagda­gan ang kaalaman para sa paglaya ko, puwede na akong humarap sa mga taong nasa malayang lipunan.

Sana po, mailathala ninyo ang liham ko para magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat. Nais ko po ang mga kaibigan na makakaunawa sa aking kalagayan at handa akong tanggapin sa ilalim ng kasalukuyang sitwasyon.

Maraming salamat po at more power to you.

Rene Macero

Student Dorm 232,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City  1776

 

Dear Rene,

Maraming salamat sa liham mo. Nais kong malaman mo na nauunawaan ng column na ito ang dinanas mong pagkasip­hayo dahil sa pagkawala ng nobya mo dahil pilit kayong pinaglayo ng kanyang mga magulang.

Pero dapat mo sanang pinalakas ang loob mo at sa kabila ng masamang tratong dinanas mo sa paghamak sa iyong pag-ibig, sana’y mas ipinakita mong sa kabila ng kalagayan mo sa buhay, may kakayahan kang umibig, mangarap at magpamilya.

Kung minsan, nababago ang pagtingin ng pamilya ng isang babae sa inaayawang manliligaw kung ipinakikita ng binata na mali ang kanilang paghatol at sa kabila ng kara­litaan, may kakayahan siyang magpa­unlad ng buhay.

Ipinakita mo ang kahinaan nang malu­long ka sa masamang bisyo.

Dulot tuloy nito, may nagawa kang pag­kakasala na hindi mo kayang magawa kung wala sa impluwensiya ng alak.

Sana, tuluy-tuloy ang pagbabago mo diyan sa loob para sa paglaya mo, maipa­pakita mo pa rin na nakabangon ka na sa isang kahapong pinagsisihan mo.

Salamat at nakita mo ang iyong pag­kakamali para hindi mo na ito ulitin pa.

Dr. Love

Show comments