Dear Dr. Love,
Isa pong magandang araw sa inyong lahat diyan sa PSN gayundin po sa lahat na mahal ninyo sa buhay.
Ang dalangin ko po sana sa ating mahal na Panginoon na sa sandaling mabasa ninyo ang liham kong ito, maunawaan ninyo ako at ang dinaranas kong sama ng loob at kalungkutan dito sa loob ng bilangguan.
Ako po si Alvin Ignacio, 34 taong-gulang at kabilang sa masusugid na tagasubaybay ng inyong column sa malaganap ninyong pahayagan.
Marami na po akong nabasa sa inyong pitak na natulungan ninyo na tulad ko ay narito sa isang lugar na pugad ng lungkot.
Alam ko pong kayo lang ang tanging makakaunawa sa isang tulad ko na isang suwail na anak na ngayon ay tagus-tagos ang pagsisisi sa nagawang kamalian.
Langkap po ng liham kong ito ang kahilingan na sana ay mabigyan ninyo ako ng mahalaga ninyong payo at mga kaibigan sa panulat.
Noon pong ako ay hindi pa nakukulong, isa akong suwail na anak na kagustuhan ko lang ang nasusunod at hindi alintana ang payo ng mga magulang.
Ang akala ko noon, hinahadlangan nila ang aking kalayaan gayong lubos ko na ngayong nauunawaan na ang mga tagubilin nila ay para lang sa aking kabutihan.
Noon, ang mga barkada ko lang ang mahalaga sa akin. Ang akala ko noon, sila ang makapagbibigay sa akin ng kaligayahan habang buhay.
Nagkamali pala ako dahil dumating ang araw na ang mga barkada ko palang ito ang siyang magsasabwatan para ako ang maparusahan sa isang kasalanang hindi ko ginawa.
Naganap ang hindi ko inaasahang insidente noong namamasyal kaming magkakabarkada. Isang tao ang nakasagutan ng isang miyembro ng grupo na ang akala ko ay hindi naman grabeng away kaya hindi ko binigyang pansin.
Pero nang lumingon ako ay nakita kong nakahandusay na ang taong nakasagutan ng barkada dahil sinaksak pala ito.
Dumating agad ang mga pulis at hinuli kaming lahat. Ikinulong kami at nagkaroon ng imbestigasyon.
Umakyat sa korte ang kaso at ang inaasahan ko, makakalaya na ako dahil talaga namang wala akong pagkakasala.
Ang hindi ko alam, ako pala ang itinuro nilang may kagagawan ng krimen.
Nang ibaba ang hatol, ako ang nasentensiyahan sa salang hindi ko ginawa at sila ang nakalaya.
Hindi ko matanggap ang ginawa nila. Ngayon, labis kong pinanghihinayangan ang mga payo ng aking mga magulang.
Kung sinunod ko lang sila, wala ako ngayon sa lugar na ito na libingan ng mga buhay.
Wala na akong magawa kundi ang tanggapin at harapin ang pagsubok na ito sa buhay.
Ipinagpapasa-Diyos ko na lang ang lahat dahil alam ko, Siya lang ang tanging nakakaalam ng katotohanan.
Umaasa po ako na ako’y inyong matutulungan na magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.
Maraming salamat at God bless you.
Alvin Ignacio
Bldg. 2 MSC,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Alvin,
Salamat sa liham mo at aking nauunawaan ang ganap mong pagsisisi sa hindi mo pagpansin sa mga pangaral ng iyong magulang.
Talagang malimit na ang pagkakaunawa sa kasalanang nagawa ay nangyayari kung tapos na ang isang insidente na naglalagay sa isang tao sa kapahamakan at malaking problema.
Ang akala mo, tapat sa iyo ang mga kaibigan. Ang hindi mo alam noon, walang taong ang hangad ay ang kapakanan mo kundi ang miyembro ng iyong pamilya lalo na ang mga magulang.
Naganap na ang pangyayaring nagsadlak sa iyo sa bilangguan. Ang mahalaga, nakilala mo ang kabutihan ng pagiging masunuring anak at ang tunay na pagmamahal sa iyo ng mga magulang.
Sana, inihingi mo na ng kapatawaran sa iyong magulang ang nagawang pagkakamali sa kanila. Mauunawaan naman nila ito.
Ang importante, nagsisisi ka na at ipinangangakong hindi mo na sila ipagpapalit kaninuman.
Makabubuting piliin mo na ang mga taong pagtitiwalaan para hindi na maulit ang masaklap na pangyayaring ito sa iyong buhay.
Sana, sa pamamagitan ng liham mong inilathala ng pitak na ito, magkaroon ka ng maraming kaibigan sa panulat.
Dr. Love