’Di-pinapansin

Dear Dr. Love,

Kumusta po kayo? Sana ay datnan kayo ng sulat ko na nasa mabuting kalusugan sampu ng inyong pamilya at staff ng PSN.

Tawagin n’yo na lang akong Erlinda 20-anyos at nagtitinda lang ng isda sa Navotas.

May crush ako na nagtitinda naman ng gulay sa kalapit na puwesto. Bago lang sila sa puwesto. Guwapo siya at mukhang responsableng anak. Siya lang ang kasa­kasama ng kanyang ina sa pagtitinda. Ang problema ko ay hindi niya ako pinapansin.

Minsan, tinangka  kong kausapin siya. Sabi ko,  “Hi, ano’ng pangalan mo?” Matipid ang kanyang sagot. “Bert” aniya.  Kapag nagmemeryenda ako, inaalok ko siya pero ayaw niyang tanggapin. Ang hirap palang maging babae. Kung may gusto ka sa lalaki ay hindi mo masabi.

Mayroon akong boyfriend pero tinatabangan na ako sa kanya dahil dalawin-dili  niya ako. Ano ang dapat kong gawin?

Erlinda

 

Dear Erlinda,

Tama ang sinabi mo. Hindi dapat magtapat ng pag-ibig mo magpakita man lang ng motibo ang isang babae sa lalaki.

Magtiyaga kang makipagkaibigan sa kanya. Kung magkakagusto siya sa iyo, bayaan mo siyang magtapat. Tandaan mo, babae ang nililigawan at hindi nanliligaw.

Tungkol naman sa boyfriend mo, kung tinatabangan ka na sa kanya, huwag mo nang pagtagalin pa at maki­pag-break ka. I presume na kung siputin at dili ka ng lalaki at walang sinasabing dahilan, ibig sabihin ay tinata­bangan na rin siya sa iyo.

Dr. Love

Show comments