Dear Dr. Love,
Sumainyo ang pagpapala ng Diyos sa pagtanggap ng sulat kong ito. Limang taon na akong kasal sa aking asawa at hindi ko maunawaan ang bigla niyang panlalamig sa akin.
Ako po si Ronaldo, 39- anyos at may nag-iisang anak na apat na taong-gulang.
Negosyante ako at ang lahat ng pagpupunyagi kong umunlad ang negosyo ay para sa aking pamilya. Madalas nga’y nasa biyahe ako sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas para bisitahin ang aking mga kliyente na siyang bumubuhay sa negosyo ko.
Nakapagpatayo ako ng malaki at magandang bahay dahil gusto kong maginhawa ang buhay ng aking pamilya. Mayroon kaming tatlong katulong para hindi mahirapan ang misis ko sa mga gawaing-bahay. Ang anak ko’y nag-aaral sa isang eksklusibong paaralan.
Pero parang hindi ito appreciated ng aking misis. Hindi niya ako kinikibo halos maliban na lang kung kakausapin ko. Tuwing ibig kong sumiping sa kanya ay lagi niyang ikinakatuwiran na pagod siya.
Hindi naman siya dating ganoon. May iba na kaya siyang mahal?
Tulungan mo ako sa aking problema, Dr. Love.
Ronaldo
Dear Ronaldo,
Labis mong ibinubuhos ang lahat ng oras mo sa pagpapalago ng iyong negosyo na hindi mo nabanggit kung ano.
Alam mo, ang higit na mahalaga sa isang relasyon ay ang tinatawag na quality time that you and your wife spend together.
Maaaring ang ipinanlalamig ng iyong misis ay pagkabagot sa tahanan dahil lagi kang wala.
Baguhin mo ang kalakaran ng inyong buhay. Mag-ukol ka ng sapat ng panahon para sa kanya at makikita mong manunumbalik ang tamis ng iyong pagsasama. Gawin mo iyan at kung hindi’y baka mangyari ang pinangangambahan mong magkaroon siya ng ibang mahal.
Dr. Love