Binabati kita kasama ng buong staff ng PSN at mga masugid mong tagasubaybay. Tawagin mo na lang akong Herminia, 25-anyos na at wala pang boyfriend. Sa edad kong ito, natatakot akong tumandang dalaga.
Maganda naman ako pero may pagka-konserbatibo. Ang problema ko ay wala akong manliligaw. Sa tanang buhay ko, minsan pa lang ako nagka-boyfriend na tumagal lang ng tatlong buwan.
Hindi ko alam kung ano ang inaayawan sa akin ng mga lalaki. Pangarap ko rin naming magka-pamilya balang araw pero paano mangyayari ito kung wala man lang nagtatangkang manligaw sa akin?
Sabi ng mga kaibigan ko, masyado raw akong hindi palakibo at napagkakamalang suplada. May nagsasabi naman na mukha raw akong tomboy.
Pero mahirap baguhin ang ugali di ba? Ano ang gagawin ko?
Gumagalang,
Herminia
Dear Herminia,
Totoong mahirap magbago pero posible kung gugustuhin mo. Tama ang mga kaibigan mo. Kung suplada o may pagka-tomboy ang dating mo sa lalaki, malamang matakot silang manligaw sa iyo.
Konsultahin mo pa ang mga close friends mo at hingin ang opinion tungkol sa personalidad mo para maitama mo. Kasi hindi natin nakikita ang kapintasan natin pero malalaman natin ito sa prankang opinion ng iba.
Sikapin mong magbago sa tulong ng mga kaibigan mo. Kung gusto mong magkapamilya balang araw, walang bagay na hindi mo magagawa para matupad ang iyong pangarap.
Dr. Love