Kumusta po kayo at lahat ninyong kasamahan sa PSN?
Pangalawa ko na pong liham ito sa inyong malaganap na column at hanggang ngayong 30-anyos na ako, ito pa ring pitak ninyo ang aking tinatangkilik dahil kinapupulutan po ito ng mga gintong aral at gabay sa buhay.
Tawagin mo na lang po akong Mrs. Concepcion, may asawa at dalawang anak. Ang asawa ko po ay dito lang sa Metro Manila nagtatrabaho.
Ang problema ko po Dr. Love ay ang tungkol sa naging boyfriend ko na tulad ko ay may asawa.
Nagkakilala po kami noon pang Set. 2003. Bagaman paminsan-minsan lang kami nagkikita, tumagal po ang aming relasyon ng tatlong taon.
Napamahal na po siya sa akin at gayundin naman ako sa kanya.
Kahit hindi madalas noon ang aming pagkikita, regular naman ang aming contact sa cellphone sa pamamagitan ng text.
Hanggang sa napag-isip isip ko na walang patutunguhan ang aming lihim na relasyon. Pareho kaming may asawa at mga anak at nangangamba akong kung hindi ako maingat, baka matuklasan ng aking mister ang pakikipagrelasyon ko sa ibang lalaki.
Kinausap ko siya at nakipagkalas na naunawaan naman niya at pumayag naman siya sa aking pakiusap na huwag na kaming mag-usap at magkita.
Pero siya ang hindi makatiis at manaka-naka pa ring nagte-text sa akin. Pilit kong pinipigill ang aking sarili na huwag siyang sagutin alang-alang sa katahimikan ng aming pamilya.
Pero lihim kong iniiyakan ang pagkitil ko sa damdaming namamahay sa aking puso. Pero tumatag ang aking paninindigan na iwasan na ang pakikipag-ugnayan sa kanya habang hindi pa nadidiskubre ng aking asawa ang aming naging relasyon.
Hirap na hirap po ang aking kalooban. Kung minsan, nagkikita pa rin kami sa mga hindi inaasahang okasyon. Pero ako na ang kusang umiiwas sa kanya. Hanggang ngayon ay hindi ko pa po siya malimutan kahit na nakipagkalas na ako sa kanya. Paano ko po ba siya malilimutan?
Lovingly,
Mrs. Concepcion ng Marikina City
Dear Mrs. Concepcion,
Isang sariwang pangungumusta rin sa iyo.
Salamat sa pagkakamulat ng mga mata mo na wala talagang patutunguhan ang pakikipagrelasyon mo sa isang tulad mo na mayroon ding asawa.
Tama ang ginawa mo at ang maipapayo ko sa iyo, yaman din lang na nakipagkalas ka na ng relasyon sa nobyo mo, tatagan mo ang loob na huwag nang manumbalik pa ang inyong ugnayan alang-alang sa inyong mga anak.
Hindi mo na dapat pang hintayin na umabot sa ka alaman ng iyong asawa ang pagtataksil mo sa kanya.
Ihingi mo ito ng tawad sa Panginoon at pati na sa iyong kabiyak kung natitiyak mong matatanggap niya ang kamalian mo at pagsisisi.
Pero huwag na sanang maulit pa ang ganitong kataksilan sa panig mo dahil hindi ito makatarungan para sa iyong asawa at mga anak.
Huwag mo nang isipin lagi ang pansarili mong kapakanan kundi ang kapakanan na lang ng iyong mga anak na siyang lubhang maaapektuhan kung patuloy kang magiging taksil sa kanilang ama.
Huwag mong kalilimutang nakikita ng Panginoon ang ating mga pagkakasala.
Dr. Love