Sa lahat ng mga tagasubaybay mo at sa mga bumubuo ng Pilipino Star NGAYON, malugod akong bumabati ng isang magandang araw.
Matagal na akong nagbabasa ng iyong pitak at nais kong ibahagi ang aking kasaysayan ng pag-ibig para humingi ng payo sa iyo.
Tawagin mo na lang akong Albert, 24-anyos at isang bagger sa isang department store. Bago lang akong nagtatrabaho sa pinapasukan ko nang makilala ko si Nena, isang kahera.
Nagpakita siya ng motibo sa akin. Makahulugan at malagkit ang mga titig niya sa akin. Dahil diyan, madalas ko siyang yayaing kumain sa labas at nagkaroon kami ng relasyon.
Pero nakahalata ako sa kanya. Lagi niya akong inuutangan. Utang na walang bayaran. Ang dahilan niya ay may sakit ang kanyang tatay, nanay o kapatid. Noong una’y pinalalampas ko iyon dahil girlfriend ko naman siya.
Ngunit sa mga inuugali niya ay nagsisimula na akong tabangan sa kanya. Isang araw, kinausap ko siya nang masinsinan at nakipag-break ako sa kanya.
Dahil dito’y umiyak siya at nagbantang magpapakamatay. Natakot tuloy ako at binawi ko ang sinabi ko sa kanya.
Ano ang dapat kong gawin?
Albert
Dear Albert,
Siguro’y may karapatan siyang maging demanding sa iyo. Baka nasungkit mo na ang kanyang pag kababae, hindi kaya? Hindi sa hinuhusgahan kita pero kung ganyan nga ang sitwasyon, hingan ka man niya ng pera ay sulit naman siguro sa kasiyahang naibibigay niya sa iyo.
Kung magkagayon, posibleng totohahin niya ang kanyang balak na magpakamatay kapag iniwan mo siya.
Mag-isip kang mabuti. Kung talagang ayaw mo na sa kanya, daanin mo ito sa magandang pakikipag-usap sa kanya para magkahiwalay kayo nang maayos.
Sa magkasintahan, mabuti ring maglantaran kayo ng ayaw ninyo sa isa’t isa at baka sakaling maisalba pa ang inyong relasyon.
Dr. Love