Kumusta po kayo at naway sapitin kayo ng liham kong ito na nasa mahusay na kalusugan.
Isa po ako sa masusugid na tagasubaybay ng malaganap ninyong column at pahayagan.
Kaya po ako sumulat ay para humingi ng payo sa aking problema at tuloy ay kapulutan ng inyong mga mambabasa ng aral ang aking naging karanasan.
Isa po akong driver sa aming lugar at ang bus na minamaneho ko ay pag-aari ng aking tiyuhin. Nagsisikap ako sa aking hanapbuhay para makaipon dahil magpapakasal na kami ng aking kasintahan.
Masayang-masaya ako dahil naitakda na ang kasal at naihanda na ang lahat. Araw na lang ang hinihintay para sa pinakaaasam kong pagtatalimpuso namin ng babaeng minamahal ko.
Pero dumating ang hindi inaasahang pagsubok sa buhay ko. Pinagbintangan ako na siyang may kagagawan sa isang masaker na naganap sa aming bayan. Masakit ang nangyari sa aking buhay. Nakulong ako sa pagkakasalang hindi ko naman ginawa.
At nagdurusa ako ngayon sa pagkakasala ng iba.
Noong una ay parang hindi ko kaya ang mga pangyayari pero sa tulong ng babaeng minamahal ko at ng aking pamillya ay unti-unti kong natanggap ang masakit na birong ito ng tadhana.
Nahatulan ako at dinala sa pambansang piitan.
Sa paglipas ng mga araw at mga buwan, isa pang masaklap na balita ang dumating sa akin at ito ay may kinalaman sa aking nobya.
Wala na raw sa aming lugar ang babaeng pinakamamahal ko at hindi alam kung saan siya nagpunta.
Mula noon ay nagbago na ang pagtingin sa buhay. Nawalan na ako ng pag-asa na muling makikita ang nag-iisang babaeng nagpatibok ng akin puso.
Gayunman, tinitibayan ko pa rin ang puso at hindi nawawala ang pag-asang isang araw ay babalik ang aking nobya.
Noong una ay nakabasa na ako ng kahalintulad na pangyayari sa pitak na ito.
Ito rin ang nag-udyok sa akin para sumulat sa pag-asang mababasa ito ng aking mahal.
Hanggang dito na lang po at maraming-maraming salamat.
Umaasa,
Andy Villamor
1-A Student Dorm,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Andy,
Balintuna talaga ang buhay. Kung minsan, may mga hindi inaasahang pangyayari sa buhay na dumarating at nakapagpapabago ng takbo ng buhay.
Masakit ang mapagbintangan sa isang krimen na hindi mo ginawa, gaya ng naging karanasan mo.
Ang hindi ko maunawaan ay bakit sa iyo nabunton ang sisi at kumuha ka ba ng abogado para idepensa ang kaso mo?
Nag-apela ka ba? Mayroon ka bang testigo na makapagpapatunay na nasa iba kang lugar nang maganap ang sinasabi mong masaker?
Alam naming mahirap ang magkakaso kahit wala kang kasalanan at kung minsan ay nadidiin ka kung walang mahusay na magdedepensa sa kaso.
Pero kung talagang wala kang pagkakasala, lulutang din ang katotohanan sa dakong huli.
Sino ba ang nagbintang sa iyo? Ano kaya nag motibo nito? Magpakabuti ka sa loob ng piitan. Sikapin mong maipakita na talagang wala kang kasalanan. Kung magpapakabuti ka, malay mo, mapapaikli ang sentensiya sa iyo.
Nag-aaral ka ba uli? Mabuti yan at huwag mong kalilimutan na humingi ng tulong sa nasa Itaas.
Hanggang sa muli at sana ay matagpuan mo ang hanap na katarungan.
Dr. Love