Ipinagkasundo

Dear Dr. Love,

Isang mainit na pagbati ang ipinapaabot ko sa iyo at sa ‘di mabilang mong tagahanga. Isa ako sa mga masugid na sumusubaybay sa iyong kolum na napakaraming natutulungan, lalo na kung mga may problema sa pag-ibig. Dalaga pa ako ay paborito ko na ang iyong kolum.

Tawagin mo na lang akong Clariza, 23-anyos at may asawa. Hindi ko talaga mahal ang aking asawa pero pinilit akong magpakasal sa kanya ng aking mga magulang. Kumpare kasi at matalik na kaibigan ng aking ama ang tatay ng aking napangasawa.

Inaamin din ng mister ko na hindi rin niya ako mahal at pinilit din siya ng kanyang mga magulang na magpakasal sa akin.

Sa kabila nito ay pinilit naming ma-develop ang aming mga puso sa isa’t isa. Dalawang taon na kami pero wala pa rin. Hindi na nga kami nagtatalik. Malungkot ang buhay namin.

May ibang nobya ang mister ko at pinababayaan ko siyang makipagkita rito. Ako man ay sinabihan niyang humanap ng lalaking mamahalin pero ayaw ko dahil babae ako at iniisip ko ang masamang sasabihin ng tao sa akin.

Ano ang gagawin ko para mahango kami pareho ng aking asawa sa ganitong sitwasyon? Alam kong ikaw lamang ang makatutulong sa amin.

Clariza


Dear Clariza,


Kailanman ay ‘di dapat manghimasok ang mga magulang sa puso ng mga anak. Kahit sa pagpili ng kursong kukunin ay hindi sila dapat magdikta.

Sinunod ng mga magulang ninyo ang isang makalumang kultura na mali at hindi nararapat.

Ang tanging kalutasan sa problema ninyo’y annulment. Ang ganyang sitwasyon na pinilit ang sino man na magpakasal sa lalaki o babae ay isang matibay na ground for annulment. Kumonsulta ka sa abogado kaugnay ng bagay na ito.

Marahil naman, nakikita na ng mga magulang ninyo ang masamang epekto ng kanilang ginawa kaya dapat kayong suportahan sa hangaring pawalang bisa ang inyong kasal. Gawin ninyo ito habang maaga para makapagpatuloy kayo sa normal na buhay.

Dr. Love

Show comments