^

Dr. Love

Inilagay ko ang batas sa aking mga kamay

-
Dear Dr. Love,

Isa pong magandang araw sa inyo at gayundin sa lahat ng kapwa ko mga tagasubaybay sa walang katulad na katanyagang pitak na ito.

Ako po si Edgar Moralidad, 40-anyos at tubong Iloilo City.

Sa kasalukuyan po ay naririto ako sa pambansang piitan na hindi ko pinangarap na kailanman ay matuntungan.

Ang akala ko noon, sa pelikula ko lang masisilayan ang tunay na kaganapan sa loob ng kulungan. Ang hindi ko akalain, magiging bahagi pa pala ako sa kasaysayan ng pambansang kulungan.

Noon po ay namumuhay ako bilang isang ordinaryong mamamayan kasama ang aking mga mahal sa buhay.

Ang kaligayahang aming pinagsaluhan noon, ang akala ko ay wala nang katapusan.

Pero dumating ang pagsubok na hindi ko nagawang lampasan na siyang naging dahilan kung kaya ako ngayon ay nagdurusa rito.

Tandang-tanda ko pa noon. Isang gabi galing ako sa trabaho, nadatnan ko ang aming bahay na wala sa ayos na labis kong ipinagtaka. Pag-akyat ko sa aming silid na mag-asawa, nakita ko ang aking kabiyak na duguan at wala nang buhay. Sa pagkakataong yaon ay naroroon pa pala sa bahay ang salarin at naghahalughog ng aming kagamitan. Sa isang iglap, nagpambuno kami ng salarin at naagaw ko ang hawak niyang patalim.

Sa aking galit, pinagsasaksak ko siya hanggang malagutan ng hininga.

Napakasakit sa akin ang nangyari. Ginawa kong araw at gabi ang pagsusumikap para maging maayos ang buhay naming mag-anak. Sa isang iglap pala ay mawawala lang ang pinagsikapan ko. Nawala na sa aking buhay ang babaeng minahal ko nang labis ay nagkaroon pa ako ng bahid ng pagkakasala.

Inilagay ko sa aking mga kamay ang batas. Labis ang aking pagsisisi pero nangyari na ang lahat at hindi na maibabalik pa ang kahapon.

Tangi na lang idinadalangin ko na mapatawad ako ng Panginoon. Natanggap ko na ang lahat na pangyayari sa aking buhay. Natanggap ko na ang malungkot na buhay ng nag-iisa.

Sa ngayon ay mayroon pa akong tatlong taong gugugulin sa piitan. Malapit na rin kung tutuusin pero napakahaba ito sa isang katulad ko na walang umaagapay.

Ngayon ko napagtanto na napakasakit pala ang naging kabayaran ng aking pagkakamali at idinadasal ko na sana ay malampasan pa ang mga araw na magdaraan dito sa bilangguan.

Mayroon po bang magtitiwala pa sa isang tulad ko?

Sana po, mabigyan ninyo ako ng mga kaibigan sa panulat na handang umunawa sa isang tulad ko.

Maraming salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa liham na ito at pagpalain sana kayo ng Panginoon sampu ng mga mahal ninyo sa buhay.

Lubos na nagpapasalamat,

Edgar Moralidad


Dorm 217, MSC,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776


Dear Edgar,


Salamat sa liham mo at ganap kong nauunawaan ang naging damdamin mo.

Ang mahalaga ay pinagsisihan mo ang nagawa mong paglalagay sa mga kamay mo ng batas. Pero sa isang tulad mo, hindi ka masisisi sa kabiglaanan mo. Pinatay ng isang salarin ang mahal mo sa buhay at sa loob pa mismo ng bahay ninyo.

Natangay ka ng simbuyo ng galit. Napatay mo ang salarin. Ito marahil ang dahilan kung bakit naging madali lang ang pananatili mo sa loob ng piitan.

Ipagpatuloy mo pa ang pagbabagong-buhay. Paglaya mo, makakatagpo ka pa ng mga taong maniniwala sa kabutihang-loob mo sa kabila ng pagkakapasok mo sa kulungan.

Alam kong mahirap ang magsimula uli sa sandaling makalaya ka na. Pero tatagan mo ang loob mo para tuluy-tuloy na ang pagsalubong mo sa isang maayang bukas.

Dagdagan mo ang panalangin para higit na tumatag ang kalooban mo sa mga darating pang pagsubok sa buhay.

Dr. Love

AKING

AKO

BUHAY

CAMP SAMPAGUITA

DEAR EDGAR

DR. LOVE

EDGAR MORALIDAD

ISANG

PERO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with