Congratulations sa malaganap mong pitak. I must say marami kang natutulungan sa pamamagitan ng magaganda mong payo. Matapos ang limang taong pagsubaybay sa kolum mo, ako naman ang hihingi ng payo.
Tawagin mo na lang akong Myra, 27-anyos at isang dalagang-ina. Tatlong taong-gulang na ang aking anak na lalaki. Bagamat pinagsisisihan ko ang aking pakikipagrelasyon sa iresponsableng lalaki, hindi ako nagsisisi na nagkaroon ako ng anak. Masunurin siya at kapag pagod ako sa pagta-trabaho, siya ang nagtatanggal ng pagod ko. Saleslady ako sa isang kilalang department store dito sa Maynila. Kapag nagtatrabaho ako, ang mahal kong ina ang nag-aalaga sa kanya.
Mayroon akong boyfriend at iniingatan ko na ang aking sarili para huwag nang maulit ang mapait kong karanasan. Iginagalang naman ako ng boyfriend ko. Kaso, akala niyay virgin pa ako. Hindi niya alam ang tungkol sa aking madilim na nakaraan. Madalas niyang sabihin sa akin na masuwerte siya at nakatagpo siya ng katulad ko na may pagpapahalaga sa virginity. Hindi ako nakakakibo kapag sinasabi niya ito. Para akong sinusumbatan ng aking konsiyensiya.
Dalawang buwan na kami at natatakot akong sabihin sa kanya ang lihim ko. Nangangamba akong bigla niya akong iwanan. Mahal ko siya at hindi ko alam ang mangyayari sa akin kung akoy iiwanan niya.
Tulungan mo sana ako. Paano ko ito sasabihin sa kanya?
Myra
Dear Myra,
Hindi mo puwedeng ilihim ang kalagayan mo habambuhay. Malalaman din niya iyan balang araw at lalo siyang magagalit kung sa iba pa niya ito malaman. Mabubuo sa isip niya na nilinlang mo siya. Masakit iyan para sa isang lalaki.
Hindi ko alam kung paano mo ito sasabihin sa kanya pero kailangan mong gawin. Iyan ang itanim mo sa isip mo. Kung mahal ka niya, hindi niya iintindihin ang iyong kahapon at pati ang anak moy mamahalin din niya.
At kung iwanan ka niya kapag nalaman niya ang totoo, masasaktan ka oo, pero nagtamo ka ng isang gintong aral para sa susunod ay alam mo na ang tamang gagawin. Mas karapat-dapat mahalin ang lalaking hindi tumitingin sa nakaraan ng kanyang kasintahan. Ang tunay na pag-ibig ay hindi inaalintana ang lahat ng kapintasan. Mas mabuti ang babaeng may karanasan na pero magiging tapat sa kanyang asawa kaysa isang birhen na pagdating ng araw ay iiputan ang ulo ng asawa.
Dr. Love