^

Dr. Love

Nasabit sa barkada

-
Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo at sana ay sapitin kayo ng liham na ito na nasa mabuting kalagayan.

Ako nga pala ay si Marvin Cirujano, 20 taong-gulang, ng Batasan Hills, Quezon City at kasalukuyang nakapiit sa pambansang bilangguan.

Lumiham po ako sa inyo para maibahagi ko ang karanasan ko sa buhay at tuloy humingi ng tulong para magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat.

Nasa elementarya pa lang ako noong 1997 nang matutuhan kong maglayas dahil sa kawalang panahon sa aming magkakapatid ng aming mga magulang.

Puro trabaho na lang ang kanilang inaatupag. Pasok sa umaga at gabi na ang uwi. Minsan pa nga ay nagpapalipas ng isang linggo sa kanilang pinagtatrabahuhan.

Sa paglalayas ko sa aming tahanan, (Grade 6 pa lang ako noon) tumigil na ako sa pag-aaral.

Tumira ako sa mga naging barkada ko sa kalye. Natuto akong gumamit ng bawal na gamot, sigarilyo at alak. May limang taon akong palaboy at hindi ko na naiisip ang aking mga iniwanang magulang at mga kapatid.

Hanggang sa minsan, nakita ko ang aking kapatid na babae. Sinabi niyang umuwi na raw ako sa bahay namin at laging umiiyak ang aking ina.

Sinabi kong hindi ako uuwi hanggang hindi nagbabago ang aking mga magulang.

Pero napag-isip-isip ko rin na kailangan ako ng mga kapatid ko. Nakarating kasi sa aking kaalaman na natuto na raw uminom ang aking ina dahil sa kaiisip sa akin.

Na-guilty ako kung kaya’t nagpaalam ako sa mga kabarkada ko at umuwi ako sa aming bahay.

Natuwa ang aking mga magulang at mga kapatid. Naging masaya naman kami hanggang makalipas ang isang taon, naisipan kong kamustahin ang mga barkada ko.

Nagpunta ako sa aming tambayan. Nakita ko si Jerry at niyaya niya akong sumama sa kanilang lakad.

Nagtungo kami sa SM Fairview at doon ay may nakita kaming motor. Kukunin daw namin ito. Nakuha naman namin ang motor at dinala namin ito sa may kanto ng Filinvest II. Inutusan ako ni Jerry na bumili ng Red Horse at sigarilyo.

Dito ako nasabat ng isang pulis at tinutukan ako. Tinanong ako kung nasaan ang ninakaw naming motor. Bigla din akong pinalo ng baril sa may batok. Sa madaling sabi ay nakulong ako.

Ngayon nga, nagsisisi na ako kung bakit ko pa naisipang umalis noon ng bahay.

Para hindi masayang ang panahon ko dito sa loob, nag-aral ako dito ng high school para naman may kahandaan ako sa sandaling lumaya na.

Salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa liham na ito at hangad ko na magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.

Gumagalang,

Marvin Cirujano


Student Dorm-231 Bldg. II,

MSC, Camp Sampaguita,

Muntinlupa City


Dear Marvin,


Minsan pang napatunayan na ang mga naliligaw ng landas ay nabubulagan.

Hindi nauunawaan ng mga kabataan na kaya nagsisipag ang kanilang mga magulang sa trabaho ay para mapaghandaan ang kinabukasan ng mga anak.

Kaya nga lang, hindi naman dapat na mapabayaan na ang mga bata lalo pa kung sila ay nasa tinatawag na "growing age".

Masasamang barkada ang laging nakakaimpluwensiya sa mga kabataang mahina ang kalooban.

Kaya nga ba dapat na alam ng mga magulang kung sinu-sino ang kasama ng kanilang anak kung wala sila sa bahay.

Laging nasa huli ang pagsisisi. Pero ang karanasang ito sana ay magmulat na sa mga mata mo na hindi barkada ang makakatulong sa iyo kundi ang pamilya.

Hindi pa huli ang pagsisisi at pagtahak sa tamang direksiyon.

Dr. Love

AKING

AKO

BATASAN HILLS

CAMP SAMPAGUITA

DEAR MARVIN

DR. LOVE

KAYA

MARVIN CIRUJANO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with