Sa kultura nating mga Pilipino, obligado tayong sumunod sa gusto ng ating mga magulang. Itinuturing na ang pagsuway sa magulang ay paglapastangan sa kanila.
Sa kaisipang ito iinog ang aking problemang gusto kong ilahad at ihingi ng payo sa iyo Dr. Love. Tawagin mo na lang akong Liz, 25-anyos at nakatakdang ikasal sa lalaking hindi ko gusto.
Kahit ang lalaking pakakasalan ko ay ayaw akong maging asawa dahil mayroon siyang kasintahan. Pero iyan ang gusto ng aming mga magulang. Sa madaling salita, kamiy ipinagkasundo ng aming mga magulang bago pa man kami ipanganak.
Magkaibigang matalik kasi ang aming mga ama at nagkasundo na kung silay magkakaanak ng babae at lalaki, ipakakasal ang mga ito pagdating ng araw.
Kapwa na namin kinausap ang aming mga magulang pero parehong nagbanta na itatakwil kami kung lalabag kami sa kanilang gusto.
Anong dapat naming gawin? Umaasa ako sa payo mo Dr. Love.
Liz
Dear Liz,
Totoong dapat tayong sumunod sa ating mga magulang. Pero may limitasyon ang pagsunod. Kapag masama o kasalanan ang ibig nilang ipagawa sa atin o mga bagay na may kinalaman sa ating sariling kinabukasan, puwede tayong lumabag.
Kausapin mo nang mahinahon ang iyong mga magulang at ipaliwanag ang iyong sitwasyon. Na kaligayahan mo ang nakataya at malamang masira lang balang araw ang pagsasama ng lalaking ibig nilang mapangasawa mo dahil wala kayong pag-ibig sa isat isa.
Ganyan din ang dapat gawin ng lalaking pinipilit ng kanyang mga magulang na magpakasal sa iyo. Pumayag man sila o hindi sa gusto ninyo, wala na silang pakialam na manghimasok sa sarili ninyong desisyon. Itakwil man kayo, nasa tamang gulang na kayo kapwa para itaguyod ang sarili.
Dr. Love