Isa pong magandang araw sa inyo at sa lahat ng mga bumubuo ng pahayagang Pilipino Star Ngayon.
Kabilang po ako sa marami ninyong masusugid na tagasubaybay kahit ako nasa loob ng kulungan dito sa New Bilibid Prison.
Ako nga po pala si Jhomar M. Rama, 28 taong-gulang at ngayon ay nag-aaral ng kursong Bachelor of Science in Commerce Major in Business Management dito sa loob ng piitan.
Lumiham po ako para maibahagi sa libu-libo ninyong mambabasa ang masaklap na pangyayari sa aking buhay at ang tunay na dahilan kung bakit narito ako sa bilangguan.
Mahigit anim na taon na akong nakakulong sa isang krimeng bunsod ng pagtatanggol sa aking tiyuhin.
Kung hindi ako sinamang-palad na mapatawan ng parusa sa isang pagkakasalang hindi ko sinadya, sana, magtatapos na ako sa kolehiyo sa kursong Computer Technician.
Dahil sa kasong napasukan ko, pati ang aking mag-ina ay hindi ko na malaman kung saan napunta at nawasak ang aking pangarap hindi lang sa sarili kundi maging sa aking pamilya.
Wala na akong balita sa aking mag-ina at naputol na ang aming komunikasyon. At ang masakit nito, ang aking tiyuhin na ipinagtanggol ko noon ay hindi man lang tumulong sa aking mag-ina gayong inihabilin ko sila sa kanya.
Alam naman po nila ang hirap at sakripisyo na ginagawa ko noon para sa aking mag-ina. Bagaman nagpapatuloy ako ng pag-aaral noon, halos patay na ang aking katawan sa trabaho para lang mabigyan ng magandang kinabukasan ang aking anak.
Hanggang sa ngayon, damang-dama ko pa ang sakit na dulot ng pagkawasak ng aking pangarap at wala na ring katiyakan kung magkakaroon pa ito ng karugtong na kabanata.
Dr. Love, sa pamamagitan po ng pitak ninyo, puwede bang maipaabot ko ang mensahe sa aking naglahong kabiyak na si Joy?
"Joy, saan ka man naroroon ngayon, anuman ang buhay na hinaharap mo sa kasalukuyan, nais kong malaman mo na mahal na mahal ko kayo at hindi ko magagawang magalit sa iyo nang lubusan. Nauunawaan ko ang sitwasyon mo ngayon. Maunawaan mo rin sana na hindi ko kagustuhan ang nangyari. Sana, tama ang naging desisyon mo."
Maraming-marami pong salamat sa pagkakataong ibinigay ninyo sa akin. Nawa’y mabigyan ninyo ako ng magandang payo.
Ako po ba ay aasa pa o sapat na ang mahigit anim na taong paghihintay o tuluyan ko nang limutin ang aking asawa?
Hanggang dito na lang po at nais ko ring matulungan ninyo akong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.
Lubos na gumagalang,
Jhomar M. Rama
JVS Department Store,
Dormitory 224,
2/F Building 2,
Medscom,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Jhomar,
Kahit anuman ang sabihin, mayroon ka pa ring responsibilidad sa iyong mag-ina at kung sila man ay nawalang parang bula, tungkulin mong hanapin sila sa sandaling makalaya ka na.
Hindi man kayo magkasamang muli ni Joy kung talagang ayaw na niyang maghintay sa iyo, kailangang hanapin mo ang iyong anak at ipadama mo ang iyong pagmamahal.
Huwag ka munang gumawa ng anumang hakbang na makapagpapadagdag pa sa problema mo.
Kaya ka napasok sa piitan ay dahil hindi ka nakapagpigil sa sarili para maipagtanggol ang isang kamag-anak.
Desisyon mo iyan na pagsisihan mo man ngayon ay hindi na maisasauli pa sa dati. Sikapin mo na lang na magpakabuti diyan para mapababa ang panahon ng iyong pagkakapiit.
Huwag mong kalilimutan ang Panginoon. Tumawag ka sa Kanya at hindi ka Niya pababayaan.
Dr. Love