Isa pong magandang araw sa inyo at sa lahat ng mga kasamahan ninyo sa PSN.
Masugid po akong tagasubaybay ng inyong malaganap na pahayagan gayundin ng inyong column.
Sa ngayon po ay may problemang gumugulo sa aking isipan at ito ang nais kong ihingi sa inyo ng payo
Mayroon po akong nobyo na ngayon ay nagtatrabaho sa ibang lugar (hindi sa abroad kundi sa ibang probinsiyang medyo malayo sa amin.)
Bago siya umalis noon, nangako siyang dadalaw sa akin tuwing Sabado at Linggo at lagi siyang tatawag kundi man ay susulat sa akin.
Noong una ay manaka-naka siyang bumibisita at sumusulat. Pero pagkaraan ng halos anim na buwan ay nalimutan na niya ang pangako niya sa akin.
Noon ay ako ang laging lumiliham sa kanya kahit wala siyang sagot pero nakatamaran ko na ring gawin ito dahil sa pagdaramdam sa kanya.
May nakapagsabi sa akin na maaaring mayroon na siyang ibang nililigawan kundi man ay nobya.
Masakit ito para sa akin. Bakit hindi na lang niya ako talampakin at naglilihim pa siya sa akin?
Ang problema ko ngayon ay mayroong isang binata na nanliligaw sa akin. Alam naman niyang mayroon na akong boyfriend pero matiyaga pa rin siyang naghihintay.
Habang tumatagal, nade-develop ang damdamin ko sa kanya. Dapat ko na bang kalasan ang dati kong boyfriend para makipagnobyo na sa lalaking ito na ngayon ay siyang gumugulo sa aking isip?
Ibang-iba si Fred kaysa kay Roman. Maalalahanin siya, maginoo at may respeto sa aking pagkababae.
Hindi raw niya iniinda kung mayroon mang nangyari na sa amin ng dati kong boyfriend.
Hintay ko po ang inyong mahalagang payo. Cely
Dear Cely,
Huwag mo nang hintayin pang ikaw ang kalasan ng dati mong boyfriend na hindi nagpahalaga sa kanyang pangako.
Pero kung makikipagkalas ka man sa dati mong nobyo, hindi naman dapat ay kaagad mong sasagutin ang bago mong manliligaw kung hindi ka pa sigurado sa damdamin mo sa kanya.
Baka naman dahil sa nagdaramdam ka lang sa dati mong nobyo kaya napapalapit ang damdamim mo sa kanya.
Pag-aralan mo ring mabuti ang damdamin mo para sa kanya at gayundin, alamin mo kung talagang desidido siya sa iyo.
Mahirap ang pabigla-bigla. Ikaw rin ang masasaktan sa dakong huli kung sa ikalawang pagkakataon ay muli kang mabigo sa pag-ibig.
Dr. Love