Hindi na kayang lokohin ang sarili

Dear Dr. Love,

A pleasant day to you. Isa ako sa masugid na tagasubaybay ng inyong column at tagahanga.

Ang problema pong bumabagabag sa aking sarili sa kasalukuyan ay ang plano kong pakikipagkalas na sa aking boyfriend.

Alam ko pong mahal na mahal niya ako. Isa siyang tapat na nobyo, mapagmahal, maalalahanin. Subali’t nararamdaman ko pong hindi ko na kayang suklian ang kanyang mga iniuukol na pagmamahal na ito sa akin. Hindi ko na po kayang lokohin ang aking sarili na magkunwang mahal ko rin siya.

Payuhan po ninyo ako, Dr. Love. Ano po ba ang dapat kong gawin?

Umaasa,

Marivic Torres


Dear Marivic,


Hindi mo nabanggit sa liham mo kung matagal na kayong magkasintahan ng nobyo mo. Anyway, kung talagang wala ka ng amor sa boyfriend mo, makabubuting ipagtapat mo sa kanya ang tunay niyang score sa iyo.

Hindi mo man nabanggit, marahil ay mayroon ka nang natagpuang ibang lalaking mas natutugunan ang itinakda mong pamantayan para sa lalaking nais mong makasama habambuhay.

Hindi mangyayari ang panghihinawa mo sa boyfriend mo na sinasabi mong tapat, mapagmahal at maunawain kung walang dahilan.

Hindi talaga pinagsasama sa iisang tao lang ang katangiang hinahanap mo sa isang kasintahan. Naririyan ang pogi nga pero wala namang trabaho at puro porma. Nariyan namang mayaman nga pero wala namang ulo sa pag-aral o kaya’y magalang at mabait.

Nasa iyo ang pagpapasya niyan. Huwag mo nang patagalin pa ang paghahayag ng tunay mong damdamin sa iyong nobyo.

Kaysa malaman pa niya sa iba ang pagbabago mo, makabubuting ikaw na ang magtapat at hingin mo ang kanyang pang-unawa.

Mahirap talagang makipagkalas sa lalaking tunay ang layunin sa iyo kaysa isang lalaking niloloko ka lang.

Dr. Love

Show comments