Dapat ko pa ba siyang mahalin?

Dear Dr. Love,

A pleasant day to you. Sumulat po ako para humingi ng payo.

Just call me Francis of Leyte. Ako po ay may girlfriend na nagtatrabaho sa isang hotel dito sa Leyte.

Last February 17, 2004 ang huling pagkikita namin at nang araw ding iyon ay may ipinagtapat siya sa akin na nagpawala ng aking gana sa kanya.

Noon daw nasa Maynila ako ay nagkaroon siya ng isa pang boyfriend. Pero ngayon ay break na raw sila. Ako raw ang pinili niya.

Ewan ko kung totoo ang mga sinasabi niya sa akin na mahal na mahal daw niya ako. Nang magtapat siya sa akin, nagsisisi ako kung bakit ko pa siya nakilala. Hanggang ngayon ay parang wala na akong tiwala sa kanya. Hindi ko rin alam kung mahal pa niya ako kasi ni mag-text o tumawag ay hindi niya magawa.

Ngayon ay parang gusto ko na lang siyang kalimutan at ibaling na lang sa iba ang aking pagmamahal. Sana po ay mapayuhan ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin. Maraming-maraming salamat po and more power.Francis


Dear Francis,


Kung nagkaroon man siya ng ibang boyfriend habang nasa Maynila ka, marahil ito’y dulot ng kanyang pangungulilala sa iyo. Di kita masisisi kung ikaw ay nasaktan. Ngunit ang tunay na pag-ibig ay laging nagpapatawad.

Timbangin mo ang iyong damdamin. Kung sa palagay mo’y namatay na ang pag-ibig mo sa kanya, wala nang dahilan para ipagpatuloy pa ang relasyon ninyo.

Pero kung nakatanim pa rin sa puso mo ang pag-ibig para sa kanya, bigyan mo pa siya ng pagkakataon upang patunayan ang kanyang katapatan.

Dr. Love

Show comments