Nalalapit na po ang aking 18th b-day at kaugnay nito ay nalalapit na rin ang takdang panahong ipinangako kong pagpapasya sa alok na kasal ng aking childhood sweetheart na si Paolo.
Labinlimang taon pa lang ako noon at si Paolo ay nakatapos na ng kolehiyo nang magsimulang magpatabi-tabi ito sa akin na liligawan daw niya ako at pagdalagang-dalaga na ako ay gusto niyang magpakasal na kami.
Gusto naman si Paolo ng mga parents ko dahil kaysa sa ibang binata na walang trabaho ako makipagnobyo, mas maigi na si Paolo.
Crush ko rin naman si Paolo kahit limang taon ang pagitan ng aming mga edad. Vibes din kami at siya pa ang nagtuturo sa akin sa math noong high school pa lang ako.
Ngayon ay second year college na ako. Si Paolo, sabi niya sa sulat niya sa akin, ay darating sa aking 18th b-day para sabihin sa aking mga magulang na gusto na niyang pakasal na kami.
Bagaman mahal ko rin siya at talaga namang wala akong ginanyak na ibang manliligaw bukod sa kanya, parang hindi ko pa gustong pakasal dahil gusto ko munang makatapos ng pag-aaral.
Ang sabi naman ni Paolo na kasalukuyang nagtatrabaho sa Saudi, siya na ang bahalang magpatapos ng pag-aaral ko sa kolehiyo. Ang gusto lang daw niya,habang nagtatrabaho siya sa abroad ay palagay ang loob niyang hindi na ako maaagaw ng iba.
Ano po kaya ang dahilan ng pagdadalawang-isip ko sa aming usapan? Tanda po ba ito na tutol ang kalooban ko sa agarang kasal? Payuhan po ninyo ako.Gertrude
Dear Gertrude,
Ang sabi mo, mahal mo naman ang nasa abroad mong nobyo. Kinakabahan ka marahil dahil sa sarili mo, hindi ka pa handa sa pagpapamilya at sa responsibilidad ng pagiging ina ng tahanan.
Alam mong sa sandaling pakasal ka na kay Paolo, hindi maiiwasang mahinto ang pag-aaral mo sa sandaling magdalang-tao ka na.
Pag-usapan ninyong mabuti ang planong ito ng nobyo mo. Maaari namang ipagpaliban muna ang kasalan kung makapagbibigay ka ng balidong dahilan. Maaari din namang makatulong sa inyong desisyon ang mga magulang ninyo.
Disiotso ka lang at pinangangambahan mo ring bata ka pa para matali sa buhay may-asawa.
Dahil hindi ka naman nakikipagkalas sa kanya, hindi naman siguro ipipilit ng nobyo mo ang agarang kasal kung ayaw mo pa. Nasa mabuting pag-uusap ang susi sa problema mo.
Dr. Love