May pag-asa pa kaya?

Dear Dr. Love,

Isa po ako sa mga regular na mambabasa ng inyong malaganap na pahayagan at masasabi kong tunay itong malaman sa balita at impormasyon at ang isa kong kinagigiliwang column ay ang Dr. Love.

Sana po, hindi kayo magsasawa sa pagbasa ng mga liham na ipinaaabot sa inyo para humingi ng mahalaga ninyong payo.

Masasabi ko pong tunay ang inyong serbisyo sa inyong mambabasa at more power to you.

Lumiham po ako para isangguni kung mayroon pa kayang pag-asang magkapuwang ang damdamin ko sa puso ng isa kong kaibigan.

Magkaibigan na kami mulang bata pa lang, pero ewan ko naman kung bakit hindi pagmamahal na pangkaibigan lang ang naramdaman ko para sa kanyang pero pagmamahal na kapatid lang ang turing niya para sa akin.

Masakit na mabalitaan na kung sinu-sino ang kanyang nililigawan at naging girlfriend gayong ako na may lihim na pagtingin sa kanya ay hindi naman niya napapansin.

Hindi naman ako pangit. Mabait pa nga ako kaysa ibang naging nobya niya. Wala talagang epek ang mga pa-charming ko sa kanya.

Pilit na inirereto ako sa kanya ng kanyang mga magulang at kapatid pero talagang wala siyang nararamdaman para sa akin.

Ang sabi ko, kung talagang hindi niya ako type, wala akong magagawa, pero lihim pa rin akong nananalangin na sana, mapansin din niya ako.

Tama po bang ako na ang magparamdam sa kanya? Hindi kaya nahihiya lang siyang magtapat? Marami man siyang naging girlfriend, palagi naman niyang kinakalasan ang mga ito.

Hintayin ko po ang inyong kasagutan.

Maraming salamat po at God bless you.
Neri


Dear Neri,


Mahirap talagang umasa sa larangan ng pag-ibig.

Kung gayong inirereto ka na ng mga magulang mo sa kaibigan mo pero wala pa rin siyang aksyon, baka nga naman hangang pagtingin kapatid lang ang puwang mo sa puso niya.

Subukan mo kayang paligaw sa iba. Baka sakaling mapukaw ang kanyang damdamin kung nanganganib na mawala ka sa kanya.

Baka naman alam niyang type na type mo siya kaya playing hard to get siya.Mahirap talagang mapilit ang isang guy na manliligaw sa isang babae.

Anyway, kung talagang kayo ay para sa isa’t isa, kayo pa rin ang magkakatuluyan. Pero kung ako sa iyo, mahirap na maghintay kung wala namang hinihintay.

Magpaligaw ka na sa iba. Tingnan mo baka magkandarapa siya sa paghabol sa iyo.

Good luck and thank you for patronizing our paper and column.

Dr. Love

Show comments