Isa po akong masugid na tagahanga ng inyong column at ang masasabi ko lang, totoong serbisyo ang ginagawa ninyo sa publiko at sana po, manatili kayong hindi nagsasawa sa pagbibigay ng payo sa mga lumalapit sa inyong problema.
Tulad po ng aking nasabi na problema, ukol sa puso ang tema ng aking liham na ito at sana mabigyan nyo ng kaukulang solusyon.
Mayroon po akong boyfriend na edad 31 at ako naman po ay 27. Hindi na masasabing mga bata kami pero ang ipinagtataka ko, parang wala kaming tiwala sa isat isa. Ang dahilan po, kapwa kami mayroong masamang karanasan sa pag-ibig.
Nagkalapit kami dahil sa aming naging karanasan sa pag-ibig ang leksiyon na natutuhan namin ay hindi na mauulit sa aming dalawa.
Pero, parang hindi natupad ang aming hangaring ito. Bagaman alam naming pareho ang mga background naming problema, tila wala kaming tiwala sa isat isa.
Kapwa kami hindi nagbibigayan sa hinalang naiisahan namin ang bawat isa.
Ang dulot nito, laging pag-aaway. Pero sinisikap din naman naming magkasundo.
Parang nawawalan na ako ng pag-asang lalawig pa ang aming relasyon kung parehong magkakatigasan kami sa aming paninindigan.
Ang alam ko, mahal ko naman siya at siya man ay sinasabi niyang mahal niya ako. Kaya nga lang malalim ang sugat sa aming dibdib na naiwan ng aming naunang karanasan sa pag-ibig.
Ano po ba ang dapat naming gawin?
Hangad ko po ang patuloy na pananagumpay ng inyong column at paglaganap pa ng inyong pahayagan.
Angela
Dear Angela,
Salamat sa liham mo at sana rin hindi ka magsawa sa pagbabasa ng aming pahayagan at pitak na ito.
Unang-una, baka naman hindi pa ninyo ganap na nalilimutan sa isat isa ang mga nauna ninyong kasintahan kung kayat kahit kayo nagkakaibigan ika mo, wala kayong tiwala sa isat isa.
Ang tiwala, respeto at pang-unawa ang siyang pangunahing mga sangkap para sa paglawig ng inyong relasyon.
Mag-usap kayong dalawa. Tingnan nyo kung magagawa ninyong mag-isip-isip muna at saka na ninyo pag-usapang muli kung talagang kayo nga ay ukol sa isat isa.
Kailangan ding alisin nyo ang selos dahil mitsa ito ng pag-aaway kahit pa nga sabihing sangkap din ito sa pag-ibig.
Huwag kayong magtikisan dahil hindi rin makabubuti ito sa relasyon.
Dagdagan mo pa ang pang-unawa para maiwasan ang sigalot.
Dr. Love