Problema ni Lonely Girl

Dear Dr. Love,

A pleasant day to you at sa lahat ng inyong mga tagasubaybay. Isa po ako sa inyong avid fan at lubos ko pong ikinasisiya at naiibigan ang mahuhusay ninyong payo na ipinagkakaloob sa mga lumiliham sa inyo.

Just call me Miss Lonely Girl of Hong Kong. Ang problema ko po ay kung paano ko malilimutan ang aking boyfriend. Actually, as of now, married na siya. Nagtatrabaho ako sa Hong Kong nang malaman ko na may iba na pala siya nang magbakasyon ako sa Pilipinas.

Tanggap ko na po ang sitwasyon kahit na hindi man lang kami nagkaliwanagan that time. The problem is, bumalik na ako dito sa Pilipinas mula sa abroad at hanggang ngayon, narito pa siya sa puso ko because he is my first love.

I love him very much pero sabi ko sa sarili ko, hindi na kami para sa isa't isa.

Dr. Love, ano po ba ang gagawin ko para makalimutan ko na siya nang lubusan? Unfair naman po na patuloy ko pa siyang mahalin gayong may asawa na siya. Pagpayuhan po ninyo ako at aasahan ko po ang inyong payo.

Miss Lonely Girl


Dear Miss Lonely Girl,


Bakit hindi mo subukang maghanap ng iba para sa kanya na mabaling ang panahon at pagmamahal mo?

Kung patuloy mong iisipin ang inyong mga nakaraan, hindi mo nga siya makakalimutan. Bakit hindi mo sikaping usisain ang sarili mo sa mga pagkukulang niya sa iyo para hindi mo siya palaging naiisip.

Isang malaking pagkakamali sa sarili ang isiping siya lang ang mahal mo gayong ni hindi ka man lang niya sinabihan kahit na sa sulat man lamang na mag-aasawa na siya. Hindi ka na sana niya pinaasa pa.

Sa ganito lang na sitwasyon, walang babaeng patuloy na mag-iisip sa isang lalaking ni hindi nagbigay ng pagpapahalaga sa usapan nang makakita siya ng ibang mamahalin.

Sana ay ganoon din ang umiral sa iyong pilosopiya. Huwag mo siyang kaawaan bagkus ay kaawaan mo ang sarili mo na hindi binigyan ng pagpapahalaga ng unang nobyo.

Huwag kang magmukmok. Go out and meet other people. Huwag mo siyang paghinayangan dahil may darating pang mas nakahihigit sa kanya.

Dr. Love

Show comments