Isa pong mapagpalang araw sa inyo at sa buong staff ng PSN.
Itago mo na lang po ako sa taguring Nene. Ako po ay 20-taong-gulang, bagong tapos sa kursong Education at kasalukuyang mayroon nang empleyo, pero hindi bilang guro kundi isang kahera sa department store.
Ang problema ko po ay ang dati kong boyfriend na bumabalik sa akin matapos makipagkalas dalawang taon na ang nakalilipas. Bagaman nararamdaman ko pang mahal ko pa rin siya, ang pagbabalik niya ay may sagabal na dahil nagkaroon na ako ng bagong nobyo.
Childhood sweetheart ko si Carding at ang hindi namin pagkakaunawaan ay nag-ugat sa aking pagiging selosa. Nakipagkalas siya sa akin matapos ko siyang mapagbintangan na may iba siyang nililigawan na nataong isa pala niyang kamag-anak.
Iniyakan ko rin ang pagkakalas namin ng relasyon at ang hindi magandang karanasang ito ang naging daan para hindi ko na pagselosan ang bago kong mahal.
Mabait din at responsable si Oscar at pagkaraan ng isang taong pagiging mag-sweetheart, niyayaya na niya akong pakasal. Ngayon, pumasok na naman sa eksena si Carding.
Mahal ko na si Oscar, pero bakit parang hindi ko magawang tanggihan si Carding? Ang ibig bang sabihin nito ay mas mahal ko siya kaysa aking bagong mahal?
Payuhan po ninyo ako.
Grace
Dear Grace,
Nagsasalawahan ka lang dahil bumabalik na naman sa iyo ang dati mong boyfriend na siyang kumalas sa iyo dahil sa pagiging selosa mo.
Ang dapat mong alamin ay kung sino sa dalawa ang mas magiging mabuting kabiyak at kung saan ka higit na liligaya.
Ikaw lang ang higit na makatitiyak kung sino sa dalawa ang mahal mo.
Ipagtapat mo sa kanila kapwa ang kasalukuyan mong problema at more or less ikaw ang makakadama kung sino ang mas nakauungos sa kabutihang ugali at katapatan.
Dr. Love