Kumusta po kayo kasama na ang mga kasamahan ninyo sa PSN?
Tawagin na lamang ninyo akong Alicia, 25 years-old at isang aktibong miyembro ng isang organisasyon na nagtataguyod ng kapakanan ng mga manggagawa.
Ang problema ko po ay ang nawindang kong buhay dahil sa maling bintang sa akin ng dati kong nobyo na sa aking palagay ay gawa-gawa lang ng kanyang nanay at ng babaeng nagugustuhan ng kanyang ina na siya niyang mapangasawa.
Nangibang bansa po ako para maghanap doon ng kapalaran. Sa paglayo kong ito para magtrabaho, nagkaroon ng mga tsismis na nakipag-live in ako sa isa ring Pinoy at ito raw ang dahilan kung bakit ako biglaang umuwi sa Pilipinas.
Ang hindi alam ng karamihan, tumakas ako sa aking amo dahil hindi nito tinupad ang kontrata lalo na sa tamang pasuweldo.
Naging marupok ang paninindigan ng aking nobyo at nagpadala sa udyok ng kanyang ina.
Iniyakan ko ang sinapit ng aming relasyon pero mayroon naman akong paninindigan na huwag na siyang habulin kung ayaw niyang makinig sa aking paliwanag.
Dumaan ang dalawang taon hanggang sa mabalitaan kong magpapakasal na siya sa babaeng nagugustuhan ng kanyang ina para sa kanya.
Sumama ulit ang loob ko. Gusto kong sisihin ang aking sarili sa pananatiling huwag siyang amuin noon. Ngayon po, gusto ko sana siyang makausap para marinig niya aking panig.
Dapat ko po bang gawin pa ito pagkaraan ng mahabang panahon?
Hangad ko po ang patuloy ninyong tagumpay at nawa ay huwag kayong magsawa sa pagtulong sa tulad kong may problema sa puso.
Sincerely,
Alicia
Dear Alicia,
Huwag mo nang pagbalikan pa sa gunita ang nakalipas.
Nagkaroon ka lang ng kaisipang makapulong uli at mapaliwanagan ang dati mong nobyo dahil ikakasal na siya sa iba at sa tingin mo ay hindi mo nagawang linawin sa kanya na wala kang kasalanan.
Huwag mo nang hangarin pang makonsensiya siya sa nangyari dahil kung talagang mahal ka niya, hindi siya padadala sa tsismis at aalamin niya sa iyo ang katotohanan.
Ibig sabihin, kulang siya ng tiwala at madali siyang maniwala sa upat ng iba.
Masakit nga lang isipin na wala ka namang kasalanan pero heto ikaw, ang siyang nahihirapan.
Makakatagpo ka rin ng ibang higit pa ang katangian kaysa sa dati mong nobyo.
Dr. Love