Umiibig sa isang bilanggo



Dear Dr. Love,


Sumainyo ang kapayapan at pagpapala ng ating Maykapal. Isa po ko sa masugid ninyong tagasubaybay. Napakagaling ninyong magbigay ng payo sa mga taong may problema sa pag-ibig kaya naman nahikayat akong sumulat sa inyo dahil naniniwala akong mabibigyan ninyo ako ng best advice.

Tawagin na lamang po ninyo akong Annie Rose, 19 taong-gulang at nagtatrabaho sa Makati City. Ang problema ko po ay ang boyfriend ko.

Dr. Love, paano ba malalaman ng isang babae na mahal siya ng isang lalaki? Kasi mula nang mag-on kami ng boyfriend ko, hindi ko man lang naramdaman na mahal niya ako. Nandoon siya sa Bukidnon at ako naman ay nandito sa Makati. Two years na ang aming relasyon. Kahit na sulat man lang ay wala siyang ipinadadala sa akin.

Sa ngayon ay mayroon akong kaibigan-si Mr. Eric. Kaso ay isa siyang bilanggo pero hindi mahalaga sa akin ang karanasan ng isang tao basta’t tapat itong umibig.

Dr. Love, mali ba ako? Sa dinami-dami ng mga tao dito sa mundo, sa isang bilanggo pa ako umibig. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko tuwing makakatangap ako ng sulat galing sa kanya.

Sino po ba ang dapat kong piliin sa dalawa? Sana ay mabigyan ninyo ako ng kasagutan.

Marami pong salamat and more power. God bless.

Lubos na umaasa at gumagalang,

Annie Rose


Dear Annie Rose,


Maraming salamat sa pagtangkilik mo sa aming pahayagan.

Hindi naman masama ang umibig sa isang bilanggo. At tandaan mo na hindi lahat ng mga bilanggo ay guilty sa kasalanang ipinataw sa kanila. Naniniwala ako na lahat ng mga tao ay may karapatang magbago at isa na riyan si Eric.

Ukol sa iyong boyfriend sa Bukidnon, siguro naman ay sapat na ang dalawang taong hindi niya pagsulat sa iyo para tapusin mo na ang pakikipagrelasyon mo sa kanya. Pero kung nagi-guilty ka sa ginagawa mo, muli mo siyang sulatan sa huling pagkakataon para linawin kung ano na ang estado ng inyong relasyon.

Sabihin mo rin sa kanya na may napupusuan ka ng iba para naman hindi maging unfair sa kanya.

Dr. Love

Show comments