Mapait na kapalaran

Dear Dr. Love,

Maligayang bati po sa lahat ng mga bumubuo ng inyong pahayagan.

Tawagin na lamang ninyo akong Carl. Dr. Love, ikaw lang ang pinagsumbungan ko ng aking problema. Nais ko pong magkaroon ng maraming kaibigan. Nasa loob po ako ng kulungan, nagdurusa sa kasalanan sa pagtatanggol ko sa aking sarili dahil sa aking live-in partner na pinagtaksilan ako. Nagdilim ang aking paningin at napatay ko ang lalaki.

Napasok ako dito noong 1998. Thirty-eight years-old na po ako ngayon. Mahirap lamang ang aming buhay na mag-ina at wala akong ibang mahihingan ng tulong kundi kayo lamang.

Ang hatol sa akin ay anim hanggang 10 taong pagkakakulong. Wala nang dumadalaw sa akin mula nang makulong ako dito. Ni minsan ay hindi ako naalalang silipin ng aking live-in partner. Noong 1999, pumanaw ang aking pinakamamahal na ina na hindi ko man lang nakita sa kanyang huling sandali o natulungan man lang sa kanyang karamdaman.

Wala akong nagawa kundi tanggapin ang masaklap na pangyayaring ito sa buhay ko. Ito siguro ang guhit ng aking kapalaran. Sa ngayon ay nag-aaral ako dito sa loob ng piitan sa ilalim ng University of Perpetual Help Rizal Extension School.

Mahilig po akong kumanta at makinig ng radyo (FM station.) Wala po akong ibang alam na makakatulong sa akin kundi kayo lamang. Sana ay mailathala ninyo ang aking sulat sa inyong pahayagan.

Marami pong salamat at sana ay lalo pang lumaganap ang inyong pitak para mas marami pa kayong matulungan na gaya ko.

Carlos Villarino
YRC Bldg. 4, I-D, College Dorm
Camp Sampaguita, Muntinlupa City 1776


Dear Carl,


Hanga ako sa iyong determinasyon. Tama ka. Iwaksi mo ang iyong nakalipas at harapin ang pagdating ng bagong umaga sa iyong buhay. Hindi pa huli ang lahat at malay mo, sa patuloy mong pagpapakita ng kagandahang asal sa loob ay mabigyan ka ng maagang paglaya.

Naniniwala akong daragsain ka ng mga liham mula sa mga taong handang dumamay at magbigay ng lakas ng loob sa iyo. Good luck and God bless.

Dr. Love

Show comments