Isa po akong masugid na tagasubaybay ng inyong column. Gusto ko po sanang humingi ng payo tungkol sa aking problema sa pag-ibig.
Itago mo na lang ako sa pangalang Jojo, 20 taong-gulang. Ako po ay umiibig sa isang 4th year high school na aking kapitbahay.
Minsan, nang dumalaw ako sa kanya ay ipinagtapat ko ang aking nararamdaman at nang gabi ring iyon ay nalaman ng kanyang Mommy ang ginawa kong pagtatapat.
Mula sa isang kaibigan, nalaman ko na boto sa akin ang kanyang mga magulang. Dama ko rin na may nararamdaman siya para sa akin.
Pero isang araw, sinabi niya sa akin na noon ay may pagtingin siya sa akin pero ngayon ay nawala na. Ang totoo daw po, ang may pagtingin daw sa akin ay si Anna na hindi ko naman kilala.
Mula noon ay nagkailagan na kami sa isa't isa. Mahal na mahal ko po siya at totoo ang nararamdaman ko para sa kanya.
Hindi ko po alam kung sinusubukan lang niya ako. Ano po ba ang dapat kong gawin upang mapatunayan ko kay Che-Che na siya ang lahat sa buhay ko.
Nalilito po ako at hindi ko alam ang aking gagawin.
Gumagalang,
Jojo
Dear Jojo,
Ang isang manliligaw na nagsasabi nang totoo ng kanyang intensiyon sa isang babae ay hindi kaagad nawawalan ng pag-asa kung hindi siya pansin ng nililigawan. Dapat mong maintindihan na bata pa ang nagugustuhan mong babae at maaaring nalilito pa rin siya kung ano ang gagawin.
Kung ako sa iyo, huwag mong damdamin kung sinabi man niya ang ganoon sa iyo. Ituloy mo ang pakikipagkaibigan sa kanya at hangga't wala kang nababalitaan na may nobyo na siya, alagaan mo ang damdamin mo para sa kanya.
Bata pa si Che-Che at ang ganyang edad ay maraming mga crush. Kapitbahay mo lang pala siya e di makipagkaibigan ka rin sa kanyang mga kapatid at iba pang mga miyembro ng kanyang pamilya.
Huwag kang masyadong apurado. Siya man ay nangangapa sa tawag ng pag-ibig.
Dr. Love