Relihiyon, hadlang sa pag-ibig

Dear Dr. Love,

A pleasant day to you and to all your readers. Ang problema ko po ay tungkol sa lalaking natutuhan ko nang mahalin pero matapos siyang matagal na nanligaw at maramdaman ko na ring mahal ko na siya, bigla kong nalaman na balakid sa aming relasyon ang pagkakaiba namin ng relihiyon.

Magkaibigan kami ng guy na ito bago siya nanligaw sa akin. Dati ay may iba akong boyfriend at ang nililigawan naman niya ay isang kaibigan ko.

Nang mabasted siya at nakipagkalas naman ako sa bf ko dahil natuklasan kong mayroon na pala itong ka-live in, niligawan niya ako. Pero ang suspetsa ko ay niligawan lang niya ako para makaganti sa aking kaibigan.

Pero masigasig siya, matulungin at mabait. Natuklasan ko na lang na hinahanap ko siya at hindi ako makatulog sa kaiisip sa kanya.

Nawalan kami ng komunikasyon at dahil nararamdaman ko nang mahal ko na siya, ako na ang gumawa ng paraan para magkausap kami.

Nagkunwari ako na isang kaibigan niya at tinanong ko siya kung mahal pa rin niya ang babaeng nililigawan niya. Ang sagot niya ay hindi pa rin nagbabago ang kanyang nararamdaman dito. Pero mayroon daw hadlang at ito ay ang pagkakaiba namin ng relihiyon.

Nasaktan ako sa aking narinig at muli ko siyang tinawagan. Pero nagpakilala na ako at sinisi ko siya kung bakit pa niya ako niligawan gayong alam pala niya na bawal sa kanilang relihiyon na manligaw sa isang Katoliko.

Ano po ang dapat kong gawin? Dapat ko na ba siyang kalimutan? Until now, mahal ko pa rin siya. Ano kaya, paibigin ko siya para saktan? Gumagalang,

Carla


Dear Carla,


Mahirap makipagsapalaran sa pag-ibig. Kung alam mo nang hindi talaga kayo magtatagal ng relasyon dahil may balakid, huwag mo nang tuluyan.

Hindi rin maganda ang maghiganti ka dahil baka bumuwelta iyan sa iyo at mas masakit pa dahil tinamaan ka na sa kanya.

Maaaring galit ka sa lalaking ito dahil ang feeling mo, naunsiyami ka dahil pagkaraang ligawan ka niya at maramdaman mong mahal mo rin siya ay ikaw naman ngayon ang humahabol.

Hindi marahil madali para sa kanya ang ginawang pagtigil na sa pakikipagmabutihan sa iyo dahil naghirap na rin siya. Pero minabuti na niyang huminto dahil alam niyang bawal ito sa kanyang relihiyon.

Humanap ka na lang ng ibang kasundo mo sa maraming bagay.

Dr. Love

Show comments