Ako po si Acel, 22 years-old. Hindi ko pa po naranasang magtrabaho sa isang kompanya kahit na college graduate ako. Malakas po kasi ang inferiority complex ko.
Isa sa aking problema ay ang malimit kong "pagbibigay ng aliw" sa aking sarili dahil sa depression at kawalan ng mapagkakaabalahan. Ginagawa ko po ang bagay na ito mula nang makita kong nagtatalik ang aking mga magulang.
Habang lumalaki ako, nararamdaman kong outcast ako. Kung kani-kaninong kamag-anak kami napatira dahil sa kahirapan kahit na patuloy ang pagsisikap ng aming mga magulang para kumita.
Hindi ko po kasundo ang mga half siblings ko. Madalas nila kaming ipinapahiya sa mga kalaro namin. Hindi pa rin naaalis ang galit ko sa kanila.
Minsan ay gusto ko nang magpakamatay. Pakiramdam ko ay wala akong silbi. Pero may nakilala ako at may nangyari sa amin. Ngayon ay mas lalo akong nakaramdam ng insecurity.
Hanggang sa matagpuan ko ang aking sarili na umiibig sa kapwa ko babae. Naguguluhan na ako. Minsan, gusto kong sumali sa mga civic organizations na makakatulong sa akin pero wala naman akong alam na malalapitan.
Sana ay matulungan mo ako.
Acel
Dear Acel,
Maaaring nadadala ka lang ng mga problema mo sa buhay kung kayat hindi mo alam makapagsimula sa mga bagay na nais mong gawin.
Ang insecurity ay dala ng guilty feeling. Ang damdam mo, iba ka kung kayat nais mong mapawi ang nararamdaman mong ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng satisfaction sa sarili. Escapist ang tawag dito. Nais mong matakasan ang problema ng kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kasiyahan sa sarili.
Subukan mong lumapit muna sa mga organisasyong pangsimbahan at magboluntaryong maging miyembro ng choir o kung saan mang gawaing mapapakinabangan ang iyong talino.
Huwag mong isiping wala kang silbi. Ipakita mo ito pero huwag kang gagawa ng anumang bagay na makapagpapapangit sa image mo. Higit sa lahat, dagdagan mo ang panalangin para maiwasan ang sinasabi mong sexual satisfaction na ginagawa mo mula noong ikaw ay bata pa.
Dr. Love