No pansin sa bf

Dear Dr. Love,

A pleasant day to you. Isa po ako sa masugid na tagasubaybay ng inyong column. Tawagin na lamang ninyo akong Pisces Girl, 13 years-old.

May boyfriend po ako si Mr. Virgo. Hindi ko po alam kung mahal pa niya ako. Noong sinagot ko siya, sinabi niya sa akin na mahal na mahal daw niya ako at hindi raw niya sasaktan ang damdamin ko.

Pero noong Disyembre ay umuwi siya sa Mindoro. Pinag-usapan namin na magte-text at tatawagan namin ang isa't isa. Pero lagi akong tumatawag sa kanya kaya lang ay laging patay ang cellphone niya. Hindi ko alam kung sinasadya niya na patayin o hindi sagutin ang tawag ko.

Sinabi sa akin ng bestfriend ko na nawala raw ang cellphone ng bf ko. Ang ginawa ko ay naki-text ako sa pinsan niya pero ang sabi nito ay hindi raw niya kilala ang nobyo ko.

Dr. Love, hindi ko na po alam kung ano ang gagawin ko. Hindi pa po kami break pero pakiramdam ko ay break na kami. Hindi ko po alam kung may iba na siyang mahal.

Sana po ay matulungan ninyo ako. Thank you at take care.

Gumagalang,
Pisces Girl



Dear Pisces Girl,


Trese-anyos ka pa lang at marami ka pang makikilalang lalaki na may mas magandang katangian. Huwag mong sayangin ang pagkakataon sa pagtutuon mo ng pansin sa isang lalaking hindi naman nag-uukol sa iyo ng atensyon.

Kung ayaw ka na niyang pansinin, kalimutan mo na siya. Lubhang maaga pa para sa iyo ang isang seryosong relasyon. Mag-aral ka munang mabuti, iha.

Dr. Love

Show comments