Naghihintay sa kanyang pagbabalik

Dear Dr. Love,

Kumusta po kayo? This is my first time to write to your column. Itago mo na lamang ako sa pangalang Ms. Libra.

Ang nais ko pong ihingi ng payo ay ang tungkol sa sitwasyon namin ng aking boyfriend.

Dati po ay lagi niya akong tinatawagan at pinupuntahan kahit busy siya sa trabaho. Pero ngayon ay parang nagbago na siya bagaman nangako siyang babalikan niya ako kapag may panahon na siya.

Ano po ba ang dapat kong gawin? Mahal na mahal ko po ang bf ko at handa naman akong maghintay sa kanya.

Pero sa tantiya po ba ninyo ay dapat ko pang hintayin ang kanyang pagbabalik o dapat ko siyang kalimutan?

Wala naman akong natatandaang insidente na dapat naming ipagkasira ng relasyon. Ang nangyari lang, parang naramdaman ko ang kanyang pagbabago.

Hintay ko ang inyong kasagutan.

Good luck and more power to you.

Truly yours,
Miss Libra



Dear Miss Libra,


Ang isang nagmamahal ay hindi makatatagal na mawala sa isang minamahal.

Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit kamo siya nagbago. Baka naman mayroon na siyang ibang minamahal?

Bakit hindi mo siya kausaping mabuti at itanong kung kailan ang sinasabi niyang "babalikan ka kung mayroon siyang pagkakataon?"

Hindi puwedeng mawalan ng magandang pagkakataon ang isang nagmamahal sa isang dalaga. Ang hula ko, nawalan na siya ng pagkakataon para sa iyo.

Sa paghingi mo sa kanya ng paliwanag, alamin mo kung mayroon siyang ibang mahal at huwag mong ipilit ang sarili mo kung talagang nawalan na siya ng interes sa iyo.

Kahit na mahal na mahal mo siya, hindi naman puwedeng lululunin mo ang hindi dapat na malulon. Baka mabilaukan ka.

Huwag kang magmukmok. Lumabas ka at maglibang kasama ang mga kaibigan. Makipagkilala ka sa ibang mga binata at mula sa mga ito ay makakahanap ka ng ibang magmamahal sa iyo nang tapat.

Good luck and God bless you.

Dr. Love

Show comments