I’m sorry, my Love

Dear Dr. Love,

Hi! Kumusta na kayong lahat sa PSN? Isa po ako sa tagasubaybay ng inyong malaganap na kolum at hindi ko inaasahan na isang araw ay ako naman ang siyang hihingi ng payo sa inyo.

Mayroon po akong kaibigan at hindi basta kaibigan lang dahil itinuturing ko siyang best friend ko sa tagal ng aming pagiging magkaibigan.

Dahil dito, nahulog ang loob ko sa kanya at minahal ko siya nang lubusan. Hindi ko po malaman ang gagawin ko ngayong magkalayo kami dahil siya ay nariyan sa Maynila at ako naman ay narito sa lalawigan.

Gusto ko po sanang makita siya pero nahihiya naman ako na pumunta ng Maynila. Nagkasamaan kasi kami ng loob. Gusto ko sanang humingi ng sorry sa kanya at ipagtapat ang nararamdaman ko para sa kanya. Puwede ba iyon, Dr. Love?

Ano po ba ang dapat kong gawin? Please advice me. Isa pa po, nais ko sanang magkaroon ng maraming kaibigan sa panulat.

Gumagalang,
Jean Sarmiento
c/o Baby’s Pasalubong,
448 Camias, San Miguel, Bulacan 3011.



Dear Jean,


Madali namamg humingi ng sorry sa kaibigan mong nasa Maynila. Bakit hindi mo siya sulatan? Alamin mo kung saan siya nakatira. Sa liham mo, ipaliwanag mo ang mga pangyayari at kung ikaw ang may pagkakamali, aminin mo ito.

Huwag mo nang sabihin sa kanya ang na-develop mong damdamin para sa kanya dahil tila nakakaasiwa naman sa isang babae na siya pang magtatapat ng pag-ibig sa isang lalaki.

Kung talagang mahal ka niya at mayroong katapat na pagmamahal ang nararamdaman mo, siya naman ang magtatapat sa iyo ng kanyang damdamin.

Pero kung walang nagmumula sa kanyang panig, malamang sa hindi na wala naman siyang damdamin para sa iyo.

Sana, may lumiham sa iyo sa pamamagitan ng pitak na ito. Inilathala ko na ang address mo at tunay na pangalan para mabasa ng readers. Good luck.

Dr. Love

Show comments