Nagkaroon ako ng maraming barkada. Sa umpisa, payosi-yosi lang kami at painom-inom ng alak hanggang sa mag-marijuana na kami. Doon ako naging masaya. Sa mga barkada ko, parang mayroon akong sinasandalan. Sila yung lakas ko. Sila yung tumutulong sa akin kapag may gulo o problema.
Pinadala ako sa Maynila para mahiwalay sa barkada pero napabarkada rin ako dito. Nahilig akong mag-roller blades. Maghapon, magdamag, yun na lang ang ginagawa ko kasama ang mga barkada ko. Hanggang sa tuluyan na akong lumayas sa amin. Dumating yung araw na wala na akong pansuporta sa sarili kowala nang mga alahas, wala nang pera. Yung isang lalaking naging kabarkada ko, lider ng isang gang. Nangho-holdap sila. Sumama ako sa kanila para may pantustos ako sa pagkain at sa boarding house.
Lagi akong pumupunta sa park. Kapag hindi ako nagpupunta doon, para akong mababaliw. Doon din nagsimula ang grabeng gulo. Minsan, may isang lalaking gustong makipagkilala sa amin. Akala yata ay bastusin kami. Sabi ko, sa ibang araw na lang dahil hindi naman kami mga prostitute. Inasar niya ako kaya tinira ko siya. Nang mahuli ako, dinala ako sa Manila Reception Center kasi menor-de edad pa ako. Hindi rin nakatulong sa akin yung Center. Nananaksak pa rin ako at kasama lagi sa basag-ulo doon. Pero may nakilala akong social worker na nakatulong nang malaki sa akin kasi itinuring niya akong parang tunay na anak.
Nang makalaya ako, tuloy pa rin yung pagda-drugs ko. Meron pa akong kinasamang lalaki na akala ko ay makakakapagpabago sa buhay ko. Hindi pala. Sinamahan lang niya ako sa pagdo-droga at pagkaraan ng isang taon, sinasaktan na niya ako. Nagalit ako. Pinutol ko yung paa niya. Gusto ko nang makipaghiwalay dahil impiyerno ang naging buhay ko dahil sa kanya. Hindi ko alam na two months na akong buntis. Nang madiskubre ko ito, tinawagan ko yung social worker kasi siya lang ang nakakaintindi sa akin. Gusto ko sanang ipalaglag ang bata.
Dinala niya ako sa rehabilitation center ng isang simbahan. At doon ko nalaman ang tunay na pag-ibig. Doon, hindi ako kinokondena ng mga tao. Tanggap nila kung ano ang nakaraan ko... doon ko nakilala ang Diyos. Inilayo ako ng Panginoon sa buhay kong magulo at walang kapayapaan.
Ngayon, gusto kong maging ehemplo sa mga kabataan, mga kababaihang mayroon ding pinagdaanan na tulad ko...sa mga babaeng hindi alam kung paano makapag-umpisa, makapag-bagong buhay.
Jonabeth
(Kung nais mong mapanood ang mga kuwento ng tagumpay na tulad nito, panoorin ang THE 700 CLUB tuwing Miyerkules ng hatinggabi at tuwing Linggo, 7:30 ng umaga sa GMA-7. Puwede ring tumawag sa THE 700 CLUB Counselling Center sa 810-7717 o 810-7176. Bukas ito nang 24-oras. Sa mga nasa probinsya, puwedeng gamitin ang PLDT line na 1-800-1-888-8700 (libre at wala nang operator) o sumulat sa P.O. Box 37, Greenhills, 1502 San Juan, Metro Manila).