Maagang napansin ng mommy ko na masipag akong mag-aral at gusto ko palagi akong maging mahusay sa klase. Mahilig din akong magpalusot. Sa mga usapan at paliwanagan, gusto ko ako ang may huling say. Nakita naman nila sa ugali kong ito na pwede akong maging abogado. Kaya naman ito ang pinag-aralan ko. Third year na ako sa law school o pag-aaral ng abogacia nang dumating ang pinakamahirap na desisyon sa buhay ko.
Kailangan kong magdesisyon kung sasali o hindi sa Bb. Pilipinas Pageant. Mahirap na desisyon ito para sa akin kasi kung sasali ako, ibig sabihin ay iiwanan ko muna ang pag-aaral ko ng abogacia. Sakripisyo ito para sa akin dahil gusto ko talagang maging abogado.
Nanalangin talaga ako nang taimtim kasi gusto ko talagang si Hesus ang magkontrol ng buhay ko. Katunayan, bata pa lang ako nang isuko ko na ang buhay ko kay Hesus. Nang manalangin ako tungkol sa pagsali sa pageant, malinaw ang sagot sa akin ng Diyos. Kaya sumali ako. Dahil dito, nakita ko na ang pagiging beauty queen ay makakatulong sa aking pagiging abogado sa hinaharap. Kasi kung beauty queen ka, maraming kababaihan ang tumitingin sa iyo at ginagawa kang halimbawa. Importante iyon para sa akin upang maging malakas na impluwensiya sa pagtaguyod ng mga karapatan ng mga kababaihan.
Pero una sa lahat ang pananalig ko sa Diyos. Pangalawa na lang ang pagiging beauty queen. Ang gusto ko lang talaga ay matuwa ang Diyos sa aking pagsali sa beauty pageant na iyon dahil akoy magiging buhay na halimbawa ng isang babaeng may takot sa Diyos.
Zorayda
(Kung nais mong mapanood ang mga kwento ng tagumpay na tulad nito, panoorin ang THE 700 CLUB tuwing Miyerkules ng hatinggabi at tuwing Linggo, 7:30 ng umaga sa GMA-7. Pwede ring tumawag sa THE 700 CLUB Counseling Center sa 810-7717 o 810-7176. Bukas ito nang 24 oras. Sa mga nasa probinsiya, pwedeng gamitin ang PLDT line na 1-800-1-888-8700 (libre at wala nang operator) o sumulat sa P.O. Box 37, Greenhills, 1502 San Juan, Metro Manila.)