Ang mabait na asawa

Dear Dr. Love,

Hello! Nawa ay matulungan ninyo ako upang mabasa ito ng mga taong gusto kong makausap nang harapan sa lalong madaling panahon.

Tawagin na lamang ninyo akong Mrs. Torres at ang asawa ko naman na "super bait" ay si Ferdie "Eugene." Kasal kami sa Manila City Hall.

Ngayon po ay hiwalay na kami. Anim na taon na wala siyang sustento sa aming tatlong anak na pawang mga nagsisipag-aral na. Kesyo wala daw trabaho. Puro kasinungalingan ang pinagsasasabi. Minsan pong dinalaw ang aming mga anak sa Hagonoy, P500 lang ang iniabot. Bago kami nagkahiwalay ay nilustay niya ang pera kong $3,001. Ang taas po ng palit noon. Pati mga alahas ko ay inubos niya at iniwan pa akong buntis sa aming pangatlong anak.

Ang perang pinaghirapan ko sa ibang bansa ay inubos niya sa nightlife at sa pagyayabang sa mga kaibigan niya.

Kami, naranasan naming hindi kumain. May kanin nga, pero wala namang ulam. Nag-iiyakan ang mga anak namin. Lahat ng hirap tiniis ko, pati ang pagmumura sa akin ng babae niyang si Rowena na taga-Pampanga at isang Japayuki.

Pero ganoon din ang ginawa sa kanya ng "mabait kong asawa." Nilustay nito ang ipinadadalang pera ni Rowena at ngayon ay hiwalay na rin sila at mayroon na namang ibang babae ang mister ko na nag-aaral sa Malolos, Bulacan.

Nalaman ito ng mga magulang ng babae kaya pina-barangay siya at kinasuhan ng kidnapping with rape. Subali’t hanggang ngayon ay nagsasama pa rin sila ng mabait kong asawa. Ang gusto ko sana ay makausap nang harapan ang mga magulang ng GRO niyang kinakasama ngayon. Nawa ay mabasa nila ito o kahit ng mga kamag-anak nung babae.

Umaasa po ako na matutulungan ninyo ako. Gusto ko sanang magdemanda. Pinaaalis na rin po kami sa aming tirahan.

Maraming salamat po.

Mrs. Torres


Dear Mrs. Torres,


Ituloy mo na ang binabalak mong demanda. Huwag mo nang panghinayangan pa ang iyong asawa dahil ang tingin ng pitak na ito ay wala ka ring kahihinatnang kinabukasan sa kanya.

Nasabi mo na pawang mga babaeng naghahanapbuhay ang hinahanap niya. Noong ikaw ay nasa ibang bansa at may ipinadadalang pera, gusto ka niya. Pagkatapos noong wala na ay humanap siya ng iba.

Huwag mo na siyang panghinayangan. Maghanapbuhay ka at sikapin mong maitaguyod ang mga anak mo.

Kung wala talagang trabaho ang asawa mo, wala ka talagang sustento na maaasahan sa kanya. Pabayaan mo na siya at ipaubaya mo na lang sa Panginoon ang pagbibigay katarungan sa ganyang klaseng lalaki.

Magdasal ka at huwag mong kalilimutan ang sarili mo at kalusugan ng iyong mga anak. Makabubuting bumalik ka muna sa mga magulang mo at mula dito ay planuhin mo kung paano ka makakapaghanapbuhay na muli.

Dr. Love

Show comments