Problema ni Mrs. Libra

Dear Dr. Love,

Matagal ko na pong gustong sumulat sa inyo para humingi ng payo. May asawa na po ako at isang anak. Bago po kami nagkatuluyan ng asawa ko ay mayroon akong naging boyfriend. Siya po ang first boyfriend ko. Dahil po bata pa ako noon ay nakuha niya ang pagkababae ko. Sixteen years old lang ako nang mawala ang pagka-birhen ko. Galit na galit ako sa sarili ko noon pero wala naman akong magawa dahil mas malakas siya kaysa sa akin. Pinilit kong limutin ang nangyari kahit gustung-gusto niyang panagutan ang ginawa niya sa akin. Lagi niyang sinasabi sa akin na pakakasalan niya ako at lagi siyang humihingi ng tawad sa ginawa niya sa akin. Pero sinabi ko sa aking sarili na hindi siya ang lalaking gusto kong makasama habambuhay. Ewan ko ba kung bakit sa kabila ng nangyari sa akin ay ayaw ko sa kanya at parang may hinahanap ako sa isang lalaki na wala sa kanya noon. Hanggang sa lumuhod siya sa akin at sinabing magpakasal na kami. Kahit na ano ang sabihin niya sa akin ay para akong walang narinig. Sinabi ko sa kanya na kung talagang mahal niya ako ay hindi niya sasabihin kahit na kanino ang naganap sa amin. Pumayag naman siya. Hanggang ngayon, Dr. Love, ay walang nakakaalam ng nangyari sa amin.

Sa ngayon ay nalilito ako kung dapat ko bang ipagtapat sa mister ko na hindi siya ang naka-devirginize sa akin. Pero sa tuwing kami ay mag-uusap ng ukol sa nakaraan ay ayaw niyang pakinggan at pag-usapan pa ito. Sana ay matulungan mo ako. Maraming salamat and more power.

Mrs. Libra


Dear Mrs. Libra,


Ang naganap sa iyo’y hindi mo kagustuhan. Pero dapat sana, ito’y agad mong ipinagtapat sa asawa mo bago pa man kayo nakasal. Ngayo’y maligaya kayong nagsasama ng asawa mo. Kung ngayon mo pa ipagtatapat ang lahat, maaaring ito’y makasira sa inyong magandang relasyon.

Ang masama ay ang magsinungaling. Ngunit hindi masama ang magtago ng lihim lalo pa’t ang layunin nito’y ipreserba ang isang magandang pagsasamahan. Bawat tao ay may lihim na itinatago. Maaaring dumating ang araw na mag-usisa ang iyong asawa at tanungin ka kung siya ang unang lalaki sa buhay mo. Kung mangyayari iyan, hindi ka na maaaring magkaila pa. Doon mo kailangang ipagtapat ang buong katotohanan. Ipaliwanag mo na ang lahat ng naganap sa iyo’y hindi mo kagustuhan. Tiyak kong mauunawaan ka niya.

Para sa akin, ang tunay na virginity ay ang kabutihang-loob ng isang babaeng ang pananatili niyang tapat at mapagmahal sa kanyang asawa.

Dr. Love

Show comments