Mans Carpio ipatatawag na ‘hostile witness’
MANILA, Philippines — Isinasaalang-alang ng House prosecution panel na ipatawag si Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, bilang hostile witness sa impeachment trial sa Senado. Ito ay kaugnay ng Article II - unexplained wealth ng impeachment complaint, ayon kay House prosecutor at Bicol Saro Rep. Terry Ridon nitong Huwebes.
Ayon kay Ridon, maaaring maging mahalaga ang testimonya ni Carpio kung lalabas ang kanyang pangalan sa bank records o iba pang dokumento.
“Kung lumilitaw ang pangalan niya sa ilang bank account o dokumento, nararapat lamang na maipatawag siya upang tanungin,” ani Ridon.
Nilinaw niya na sa kasalukuyan ay hindi pa kasama si Carpio sa listahan ng mga testigo, ngunit nananatiling bukas ang posibilidad.
“Sa tingin ko, nasa maagang yugto pa lamang po tayo ng aming mga talakayan. Hindi pa naman po kasama si Atty. Carpio sa mga testigong pinag-uusapan naming ipatawag bilang hostile witness,” aniya. “Pero maaari pa po namin itong pag-isipan.”
Kasama sa mga unang ipapatawag ng prosekusyon ang mga opisyal mula sa Office of the Ombudsman, Bureau of Internal Revenue (BIR), Securities and Exchange Commission (SEC) at mga kinatawan ng iba’t ibang bangko.
Layunin nilang magbigay ng rekord hinggil sa mga transaksiyong pinansyal, pagbabayad ng buwis, at mga negosyo ng mag-asawang Duterte-Carpio.
Nasa pag-iingat ng prosekusyon ang ulat mula sa Anti-Money Laundering Council na nagdedetalye ng tinatayang P6.7 bilyon na transaksiyong pinansyal ng mag-asawa sa loob ng 20 taon.
Mahigit P4 bilyon ang inflows, habang P1.5 bilyon naman ang outflows.
Ilang bangko ang nag-flag sa mga ito bilang covered at suspicious transactions.
Nakatakdang simulan nina Ridon at Akbayan Rep. Chel Diokno sa Lunes, Setyembre 14, ang presentasyon ng ebidensya para sa Article II.
Humiling ang prosekusyon ng subpoena para sa unang tatlong testigo.
Nag-file rin sila ng request for admission kaugnay ng mga bank account ni Duterte, na posibleng magpabilis sa proseso kung kukumpirmahin ng Bise Presidente ang mga naturang account.
- Latest






















