AFP officers pipigain sa DepEd confidential funds

MANILA, Philippines — Sasalang ngayong araw sa ika-20 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Inaasahang haharap sa Senate Impeachment Court sina Col. Manaros Boransing II at Col. Magtangol Panopio upang magbigay-linaw sa mga sertipikasyon ng militar na ginamit ng Department of Education (DepEd) sa pagtugon sa obserbasyon ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng umano’y maling paggamit ng P112.5 milyong confidential funds.
Mahalaga ang mga dokumentong ito sa panig ng prosekusyon dahil iniuugnay ang mga ito sa mga aktibidad na binanggit ng DepEd bilang bahagi ng liquidation ng confidential funds, kabilang ang Youth Leadership Summit (YLS).
Sa naunang imbestigasyon ng Kamara, iginiit ng mga opisyal ng militar na hindi nakatanggap ng confidential funds ang kanilang mga yunit para sa mga naturang aktibidad.
Ayon kay House impeachment team adviser at spokesperson Ace Barbers, layunin ng prosekusyon na ipaliwanag kung paano na-issue ang mga sertipikasyon at paano ito ginamit ng DepEd sa pagsagot sa COA. Isa sa mga isyung tinututukan ang P15 milyong confidential funds na iniugnay sa YLS.
Orihinal na nakatakdang tumestigo si Boransing noong Agosto 26 ngunit ipinagpaliban dahil sa kanyang tungkulin bilang commanding officer ng Task Force Zamboanga. Itinakda ang kanyang pagharap ngayong Setyembre 1.
Kasabay nito, nakatakda ring tumestigo si Panopio ngayong Martes.
Nananatili sa listahan ng prosekusyon si dating DepEd special disbursing officer Edward Fajarda, na nakatakdang humarap sa Setyembre 7 depende sa kanyang kalusugan.
Posibleng tumestigo rin si dating DepEd spokesperson at chief of staff ni Duterte na si Atty. Michael Wesley Poa, bilang hostile witness, kung hindi makadalo sina Boransing o Panopio.
Sa Setyembre 2 naman, nakatakdang humarap si Philippine Statistics Authority (PSA) Assistant National Statistician Marizza Grande hinggil sa beripikasyon ng PSA sa mga pangalan sa acknowledgment receipts na kaugnay ng confidential funds.
- Latest
























